MANILA, Philippines — Sa College of Saint Benilde ang magiging bagong tahanan ni dating Emilio Aguinaldo College standout Allen Liwag.
Pormal nang kinumpirma ni Liwag ang pagpasok nito sa kampo ng Blazers.
Kasama si Liwag sa ensayo ng Strong Group sa College of Saint Benilde gym sa Taft avenue sa Maynila.
At dito isiniwalat ni Liwag na papasok ito sa Blazers para sa mga susunod na edisyon ng NCAA men’s basketball tournament.
Inamin ni Liwag na Benilde at San Beda ang mga paaralang nagpahayag ng interes sa kanya.
Subalit pinili nito ang Benilde dahil naniniwala ito sa solidong programa ni Blazers head coach Charles Tiu para sa kanilang tropa.
Alam ni Liwag na marami itong matututunan kay Tiu partikular na ang mga kahinaan nito na kailangan pang i-improve.
“Marami pa akong weaknesses na alam kong madedevelop ko kay coach Charles. Sa tingin ko fit yung laro ko sa sistema ni coach, mailalabas ko yung laro ko,” ani Liwag.
Nagpasalamat si Liwag sa pamunuan ng Benilde sa tiwalang ibinigay nito sa kanya.
At nangako itong susuklian nito ang lahat upang matulungan ang Blazers sa kampanya nito sa mga susunod na taon.
“Sobrang nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinigay sa akin ng Benilde. Kaya kailangan kong suklian. Excited na ako dahil magandang experience ito sa akin, alam kong marami akong matututunan,” ani Liwag.
Sasailalim muna si Liwag sa one-year residency bago makapaglaro sa Season 100 ng liga.