Taduran lumipad na papuntang Mexico

Pedro Taduran

MANILA, Philippines — Tumulak na patungong Guadalupe, Mexico si International Boxing Federation (IBF) minimumweight world champion Pedro Taduran para sa kanyang title defense kontra kay Mexican fighter Daniel Valladares sa Pebrero 1.

Idaraos ang laban sa Gimnacio Cedereg na inaasahang durumugin ng mga Mexican fans para suportahan ang hometown bet na si Valladares.

Ngunit hindi nasisindak si Taduran dahil desidido ang Pinoy champion na patunayan ang kanyang kalidad bilang boksingero.

Lutang na lutang na ang bagsik ng katawan ni Taduran na hinubog ng ilang buwan para masiguro na nasa perpektong kondisyon ito bago sumabak sa matinding laban.

“Nakakalamang siya kasi lugar niya pero sa laban kaya ko naman. Gagawin ko ang lahat para patuna-yan na world champion ako. Itong laban na ito ay para sa bayan at sa family ko,” ani Taduran.

Kasama ni Taduran sina manager/promoter Art Monis at dating 1988 world junior flyweight champion Tacy Macalos patungong Mexico upang doon na ipagpatuloy ang huling bahagi ng kanyang paghahanda.

Isa ito sa pinakama-laking laban na haharapin ni Taduran kaya naman handang-handa na rin ang game plan nito para sa Mexican fighter.

Pinanood ni Taduran at ng kanyang coaching staff ang mga nakalipas na laban ni Valladares para alamin ang estilo at kahinaan ng Mexican pug.

Show comments