Lady Eagles asam ang ika-6 na panalo

MANILA, Philippines – Hangad ng Ateneo Lady Eagles na palawakin sa anim ang winning streak sa pagharap kontra sa National University Lady Bulldogs habang magtatagpo rin ang three-peat champion De La Salle Lady Spikers at Far Eastern University Lady Tamaraws ngayon sa  pagpapatuloy ng Season 81 UAAP Volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Tangan ang 5-1 win-loss kartada, haharapin ng solo leader Lady Eagles ang Lady Bulldogs sa alas-2 ng hapon at susundan sa laro ng Lady Spikers at Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.

Sa men’s division, itataya ng nangungunang FEU Tamaraws (6-0) ang malinis na kartada sa pagtatagpo kontra sa DLSU Green Spikers (2-4) sa alas-10 ng umaga pagkatapos sa laban  ng pumapangalawang NU Bulldogs (5-1) at  Ateneo Blue Eagles (4-2) sa alas-8 ng umaga.

Kung magtagumpay ang Lady Eagles, mananatili sila sa solo liderato sa pagbukas ng second round eli-mination simula ngayong Miyerkules,   pero kung mabibigo ay makikipagsosyo sila sa liderato kasama ang mananalo sa laban ng DLSU Lady Spikers at FEU Lady Tamaraws sa parehong 5-2 cards.

Simula nang mabigo sa mga kamay ng DLSU Lady Spikers, 14-25, 17-25, 25-16, 19-25 sa una nilang laro noong Pebrero 17, rumatsada ang Lady Eagles ng limang sunod na panalo kabilang na ang five-setter game kontra sa FEU Lady Tamaraws, 14-25, 19-25, 25-21, 25-18, 15-12 noong Pebrero 24.

Ang ibang biktima ng tropa ni coach Oliver Almadro ay ang UST Tigresses via four sets, 25-21, 25-18, 16-25, 25-22, noong Pebrero 20 kaya tiyak mataas ang confidence nina Kat Tolentino, Bea de Leon, Maddie Madayag, libero Kassandra Gequillana, Ponggay Gaston, Julianne Samonte at setter Deanna Wong.

 

Show comments