San Jose, Antique, Philippines - Patuloy ang pananalasa ng NCR sa aquatics event sa kanilang limang ginto habang si Veruel Verdadero ng Calabarzon naman ang bagong pinakamabilis tumakbo sa kumpetisyon kahapon sa ika-apat na araw ng 60th Palarong Pambansa na ginanap sa Binirayan Sports Complex dito.
Tatlo na namang bagong record ang nabura sa swimming sa pangunguna ni Drew Magbag ng NCR sa secondary boys 200-m breastroke sa 2:28.28 na lampas sa 16-year record na 2:30.42 ng kanyang coach ngayon na si Rafael Chua noong 1998.
“Gold talaga ang target ko. Pero hindi ko inaasahan na mag-record pa. Ang record pa naman ng coach ko ngayon na si Rafael Chua,” sabi ni Magbag na isang grade 11 student ng University of the Philippines.
Binura rin ng 15-anyos na si Bela Louis Magtibay ng NCR ang 1998 record na 2:48.00 ni Jenny Guerrero sa girls secondary 200-m breastroke sa kanyang panibagong 2:47.48 habang naitala naman ni Nicole Pamintuan ang bagong 59.83-sec. record sa girls se-condary 100-m freestyle. Ang dating record ay 1:00.28 ni Dale Echavez noong 2010.
“Maganda naman ang kondisyon ko. Pero hindi ko rin akalain na mag-record ako. I just did my best,” ayon sa 15-anyos na si Magtibay na isang grade 10 student ng De La Salle-Zobel, Alabang.
Limang gold uli ang nahakot ng NCR team sa ikalawang araw ng swimming competition sa pa-ngunguna ni Magbag, Magtibay, Ianiko Limfilipino sa secondary boys 200-m individual medley at Pamintuan na nanalo rin sa girls secondary 200-m individual medley (2:27.44).
Ang 15-anyos na si Verdadero, taga-Dasmariñas, Cavite, ay nagtala ng 10.96-sec. sa secondary boys 100-m dash para makamit ang una niyang gintong medalya at ang typhoon Yolanda survivor na si Bianca Jane Combate ng Eastern Visayas naman ang “fastest girl” sa kanyang 12.38-sec. sa secondary girls century dash.
Ngunit mahigit tatlong araw pa ang natitira bago sa closing ceremony ngayong Sabado, parang abot kamay na ng powerhouse National Capital Region (NCR) ang kanilang ika-13th sunod na overall championship sa kanilang 50-27-20 gold silver haul habang sinusulat ang istoryang ito. Pumapangalawa ang Western Visayas sa 14-8-1.