MANILA, Philippines - Muling makapanalo ang nais ng defending champion Foton sa kanilang pagharap sa RC Cola-Army sa pagpapatuloy ng pangalawang round ng eliminations ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix sa Philsports Arena mamayang hapon.
Hangarin ng Tornadoes na kasalukuyang may 6-1 rekord na makalayo para masiguro ang kanilang puwesto sa itaas ng standings, kung saan ang top two na koponan pagkatapos ng eliminations ay uusad sa semifinals.
Ito rin ang nais na masungkit ng 3-4 na Lady Troopers na maari pang makaakyat sa pangalawang puwesto sakaling magkaroon ng losing skid ang Foton at F2 Logistics (6-3) at magawa nilang maipanalo ang kanilang hu-ling tatlong laban.
Subalit hindi magi-ging madali ang paggapi sa defending champions lalo’t babalik na sa kanilang line-up si ace middle blocker Jaja Santiago matapos sumama sa kanyang koponan sa kolehiyo na NU Lady Bulldogs sa team building activities na ginanap sa Japan.
“Jaja’s return would be such a big boost to Foton. So we have to prepare ourselves and be ready,” pahayag ni RC Cola-Army head coach Kungfu Reyes.
Inaasahang gagamitin ng Tornadoes ang buong-lakas ng kanilang koponan na babanderahan ni Santiago at ng kanilang mga imports na sina Ariel Usher at Lindsay Stalzer, kasama ang iba pang mga mahuhusay na locals na sina Maika Ortiz at setter Rhea Dimaculangan para tumapat sa betera-nang koponan ng Lady Troopers na sasandal pa rin kina Rachel Daquis, Royse Tubino, team captain Tina Salak at imports na sina Hailie Ripley at Kierra Holst.
Mag-uumpisa ang sagupaang RC Cola-Army-Foton sa ganap na alas-3:00 pagkatapos ng laban ng Cignal at Generika sa ganap na alas-12:30 ng tanghali.
Lalaban ang HD Spikers upang mapaganda ang kanilang rekord at tuldukan ang kanilang four-game losing skid kontra sa kulelat na Lifesavers na tatangkaing makaisa sa kanilang huling laban sa eliminations. (FML)