MANILA, Philippines – Sisimulan ngayon ang dalawang araw na pista na itataguyod ng Metropolitan Association of Race Horse Owners sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nasa 12 karera na paglalabanan at 10 rito ay mga MARHO special trophy races at ang mananalo na isang kasapi ng MARHO ay may P100,000.00 prem-yo habang P50,000.00 kung hindi miyembro.
Makakadaragdag saya sa bayang-karerista ang P500,000.00 added prize sa first set ng Winner Take All para lumaki ang paglalabanang dibidendo.
Tiyak na magiging mahirap ang pagkuha ng tamang kombinasyon dahil sa balansiyado ang programang nakahanay sa dalawang araw na pista.
Bukas ang tampok na selebrasyon at limang MARHO stakes races ang magpapakinang sa selebrasyon.
Tampok na k arera ay ang Classic na gagawin sa 2,000-metro distansya at mangunguna sa kasali ay ang Hagdang Bato.
Ang iba pang kalahok ay ang Kanlaon, King Bull, Hot And Spicy, Biseng Bise, Manalig Ka at Marinx.
Ang iba pang stakes races ay ang 3YO Mile race, Juvenile Colts at Fillies at Sprint Stakes races.
Magsusukatan sa Mile Race ang Gentle Strength, Hook Shot, Sky Hook, Super Spicy at Shintaro’s Speed habang ang maglalaban sa colts ay ang Bite My Dust, Dewey Boulevard, Lucky Toni,. Stark at Underwood.
Ang mga kasali sa fillies ay ang Bowties And Charm, Incomparable, Port Angeles, Real Flames at This Time habang ang Sprint ay sasalihan ng Barcelona, Cat’s Silver, Ik Hou Van Jou, Nemesis at Never Cease.