Thompson, Harden starters ng West sa NBA All-Stars

MINNEAPOLIS -- Hinirang sina Golden State Warriors guard Klay Thompson at Houston Rockets guard James Harden bilang starters para sa Western Conference All-Star team.

Ito ang inihayag ni Warriors coach Steve Kerr, gigiya sa West Team laban sa East Team sa Linggo sa New York.

Papalitan nina Thompson at Harden ang mga may injury na sina Kobe Bryant at Blake Griffin na nauna nang ibinoto ng mga fans bilang starters.

Nagtatala si Thompson ng average na 22.1 points at may 44 percent shooting sa 3-point range para sa Warriors, may best record sa NBA sa kanilang 42-9.

Makakasabay niya ang kanyang Splash Brother na si Stephen Curry.

Nangunguna naman sa liga si Harden sa scoring sa kanyang 27.7 points per game.

May isa pang puwesto ang West sa starting lineup matapos magkaroon si Pelicans forward Anthony Davis ng strained right shoulder. Si Dallas Mavericks forward Dirk Nowitzki ang papalit kay Davis.

Show comments