MANILA, Philippines - Ginamitan ng PLDT Home TVolution ng matibay na depensa ang Generika-Army para kunin ang ikalawang sunod na panalo 28-26, 16-25, 29-27, 13-25, 15-12 sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 24 digs si Lizlee Ann Pantone habang si Sasa Devanadera ay may apat na blocks para paigtingin ang kanilang depensa na siyang nakatulong para patikimin ng unang kabiguan ang Lady Troopers na siyang paborito sa ligang inorganisa ng Sports Score at handog ng PLDT Home DSL bunga ng panalo sa naunang dalawang confe-rences na pinaglabanan.
Si Sue Roces ay mayroong 15 kills tungo sa 17 puntos habang sina Maruja Banaticla at Lou Ann Latigay ay naghatid ng 13 at 12 puntos sa nanalong koponan na nakabangon matapos matalo sa unang laro.
“Depensa ang ginamit namin dahil sila ang itinuturing ko bilang pinakamalakas sa liga,†wika ni PLDT coach Roger Gorayeb na naglaro sa ikatlong pagkakataon sa linggong ito.
Sina Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis ay mayroong 20 at 19 puntos pero ang ibang inaasahan tulad ni Mary Jean Balse ay nalimitahan ang pag-atake.
Naramdaman din ng Lady Troopers ang di paglalaro ni setter Tina Salak lalo na sa deciding fifth set para lasapin ang kabiguan sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical. (AT)