Aswang family (34)

SUGATAN at duguan si Shalina habang lumilipad; natamaan ng sibat sa balikat ang manananggal. Pakiramdam niya’y hindi na siya makakatagal, babagsak na anumang oras.

“Hu-hu-huuu, Hindi na yata kami magkikita ni Greco…mamamatay yata akong mag-isa…” Tanaw na niya ang sagingan kahit malayo pa.

Bale ba ay matagal pa bago magliliwanag; bilang manananggal ay obligado siyang ubusin ang dilim ng magdamag.

Plak. Plapp. Plaapp. Kayhina na ng kampay ng mga pakpak ni Shalina. Ang anyo niyang putol na lumilipad ay natatanglawan ng buwan.

Kung gayo’y matatanaw siya ng mga tao; visible siya sa naked eye.

“May manananggal sa itaas!” “Eeeee! Nakakakilabot!”

“Oh my gosh! Totoo nga siya!”

Natanaw siya ng mga nasa bayan; iba-iba ang reaksyon ng mga taong gising sa madaling araw.

Tindera sa palengke, magtitinapay,  call center agent, pulis, security guard, etsetera.

  Napatakan ng dugo ni Shalina ang nakatingalang tindera ng fish ball, sa mismong tungkil ng ilong.

“Eeeee!” Diring-diri ito, halos himatayin. 

“Naku, Tinay, b-baka pati ikaw ay maging--”

“M-Maging ano ho, Nana Marya?” “--Maging…manananggal, Tinay…”

“Eeeee! Eeeee!” Lalo lang nadoble ang takot at pandidiri ni Tinay.

Nawala na sa paningin nila ang manananggal.

 Sumadsad na pala ito sa sagingan, umaagos pa rin ang dugo sa balikat;  nakabukas ang mga pakpak, naka-expose ang putol na baywang.

Nanlalabo na ang diwa ni Shalina nang may mahagip ang mga mata.

Napaigtad siya. Nakita ang lalaking nakahubad, may dinadapaang ewan pa niya kung ano.

Nakilala niya ang lalaki. “S-Si Iskong sintu-sinto…” Saka niya naunawaan kung ano ang ginagawa nito. “H-Hindi…hindi dapat …hu-hu-huuu.” Nawalan ng malay-tao ang manananggal; hindi man lang namalayan ni Iskong sintu-sinto.   (ITUTULOY)

 

 

                 

                 

 

Show comments