Kaharap ang audience sa TCL Theater, sumagot si Boyet de Leon sa katanungan ng publiko tungkol sa kanilang pelikulang When I Met You in Tokyo, kasama rin ang producers nila.
Nasa audience naman noon ang dating aktres at singer na si Bunny Paras, at ini-live streaming niya ang Q and A. Nagulat din siya nang malaman niyang nanonood pala sa kanyang live streaming si Ate Vi (Vilma Santos) na naririto sa Pilipinas.
Nag-chat sila at sa pamamagitan ng cellphone na gamit ni Bunny ay nakisali sa Q and A ang Star For All Seasons na labis na ikinatuwa ng kanyang fans.
Punung-puno ng Vilmanians sa sinehan kaya natutuwa sila na hindi man nakarating nang personal si Ate Vi para makita ang pagsisikap nilang masuportahan ang kanyang pelikula, nakita rin naman niya sa pamamagitan ng live streaming na nagawang punuin ng Vilmanians ang sinehan.
Isang matinding pasasalamat naman ang ipinaabot ni Ate Vi sa lahat ng Vilmanians na sumuporta sa kanyang pelikula.
Humingi rin siya ng paumanhin na hindi siya nakarating sa Manila International Film Festival, at iyon ay dahil sa marami naman siyang kailangang harapin pagkatapos ng festival.
Pero bukod dun, tuwang-tuwa rin ang Vilmanians dahil tulad ng inaasahan, siya ulit ang nanalo ng Best Actress sa MIFF.
Ngayon, may masasabi pa kaya ang mga nagnenega sa mga nauna niyang panalo sa MMFF?
Kathryn, ‘di kinayang lumayas sa Kapamilya
Tapos na ang lahat ng ispekulasyon, muling pumirma ng kontrata sa ABS-CBN si Kathryn Bernardo noong Biyernes ng hapon, na siyang tumapos sa isyung magpapalit siya ng management at sasama diumano sa grupo ni Maja Salvador.
Nagkaroon lang naman ng ganoong ispekulasyon nung nadadalas ang pagsama niya kay Maja.
Vice, mag-iiba na ng imahe
Kumpirmado na raw ang paggawa ni Vice Ganda ng isang seryosong pelikula kung saan niya mapapatunayan na siya ay isang aktor. Ang pelikula raw ay ididirek ng award-winning director na si Jun Lana.
Isang experimental film kasi iyan, hindi natin alam kung si Vice ay matatanggap ng publiko sa isang seryosong role.
Simula nang mag-artista, ang ginagawa niya ay puro slapstick comedies maging sa kanyang mga TV show, ang mga patawa niya ay slapstick. Doon siya nakilala ng tao.
Ano kaya ang magiging reaksyon nila kung maging seryoso siya?
Dennis, tuloy ang paramdam sa mga anak
Believe rin naman kami kay Dennis Padilla at siya pa ang nakikiusap sa kanyang anak na si Julia Barretto na kausapin naman siya.
Hindi na raw niya matandaan kung kailan pa silang huling nagkita at nagkausap.
Napakasakit naman sa isang magulang ang ganyan, na nang lumaki na ang mga anak ay hindi na lang siya pinansin. Ano kayang impluwensiya o sino ang nagtulak kay Julia na huwag nang pansinin ang kanyang ama?
Ganun ba kabigat ang ginawa ng kanilang ama sa kanilang magkakapatid?
Masakit na nga ang nagdemanda sila upang palitan ang kanilang pangalan sa lahat ng mga opisyal na papeles at magamit nila ang apelyidong Barretto sa halip na Baldivia na siyang tunay na apelyido ni Dennis.
Kaya kami believe kay Dennis, ganoon na ang ginagawa ng mga anak niya sa kanya, ang sinasabi pa rin niya ay ipinagdarasal niya sila para mas maging matagumpay sa buhay.
Pero hindi na dapat pang asahan ni Dennis ang mga anak niyang ayaw sa kanya, may mga anak na rin naman siyang iba. Sa mga iyon na lang niya ibuhos ang panahon niya.