“Nagpaka-smart girl” na naman si Frankie Pangilinan at lakas loob na nagsabing “drag is not a crime” at sinabing hindi tama na hinuli ang drag performer na si Pura Luka Vega.
Si Pura Luka Vega ay hinuli ng mga pulis sa kanyang tahanan sa Santa Cruz, Maynila, matapos na hindi sumipot sa tatlong patawag ng piskalya para sa imbestigasyon ng kasong isinampa sa kanya ng Hijos de Nazareno Central.
Pero halos kasabay ng pagdampot sa kanya, may isang grupo ng mga bakla na gagawa raw ng concert yata para makalikom ng pera na pampiyansa ni Pura Luka Vega, ibig sabihin wala rin siyang pera talaga. Hindi kami magtataka dahil persona non grata na siya sa maraming lugar at wala nang gustong kumuha sa kanya bilang performer.
Pero umabot pa raw sa lagpas kalahating milyong piso ang nakolektang donasyon ng isang Drag Den showrunner para maipangpiyansa kay Pura Luka.
Anyway, may dahilan naman siguro kung bakit nakisimpatiya si Frankie kay Pura. Ang kanyang kapatid na si Miel ay isang self-confessed LGBT member, kaya natural kampi siya kay Pura Luka Vega.
Hindi lang niya inisip kung tama ba ang kanyang kinampihan, dahil pumanig na naman siya sa isang unpopular choice, tapos manggagalaiti na naman ang nanay niya basta na-bash siya.
Kung sana ay nanahimik na lang siya at hindi na nag-post sa social media hindi siya maba-bash.
Liza, hindi na makasingit sa Hollywood
Maganda naman daw ang pagkakagawa ng B movie, ibig sabihin ay indie film, ni Bea Alonzo para sa isang American producer na nag-shooting dito sa ating bansa.
Pero masama ang feedback na aming narinig. May nagsabing sa isang sinehan daw ay apat lamang ang nanood. May isa naman kaming kakilala na pumasok daw siya sa sinehan na ang inaasahan susuportahan naman ng mga Pinoy ang pelikula dahil kasama nga sa cast sina Bea Alonzo at Maricel Laxa. Pero lumabas na siya pala ang pangatlong tao lang na nanood sa sinehang kanyang pinasukan. Kung hindi siya nanonood, malamang cancelled ang screening.
Kahit naman dito ganoon ang rule, kung walang tatlong manonood, cancelled na lang ang screening.
Pero isipin ninyo iyan ha, si Bea Alonzo na iyan, kasama pa si Maricel Laxa, flop sa America, papaano kaya ang mangyayari sa pangarap ni Liza Soberano na maging Hollywood star ngayong meron actors’ strike roon, at sa pagsisikap ng manager niyang si James Reid na ang karanasan lang naman ay manood ng pelikula kung may premiere night sa Hollywood, magpakuha ng picture at ipagmalaki iyon sa social media, at dito sa Pilipinas na akala mo big time na sila, pero may career ba?
That’s… members, may reunion pagkatapos ng 27 taon!
Sampung taon tumagal ang iconic na youth oriented TV show ni Kuya Germs, ang That’s Entertainment, at napakaraming mga baguhan ang sumikat sa show, kaya nga may panahong sinasabing ikatlong bahagi ng mga artistang aktibo sa industriya, kabilang na ang kinikilalang superstars ay nagmula sa That’s Entertainment.
Pero sa ika-sampung taon noon, na ginanap pa sa Araneta Coliseum at saka lang nila sinabi kay Kuya Germs na “Last show na iyan.”
Ngayon, bale 27 taon nang wala ang That’s…, pero nagulat kami sa tawag ni Carmlites Rigonan na mayroon daw reunion ang members ng That’s… at kinukumbida kami.
Isipin ninyo 27 years nang wala ang show hindi pa rin nila malimutan. Kasi sinasabi nga ni Kuya Germs, “Ang that’s entertainment hindi lang isang show, iyan ay isang natatanging karanasan.”