“Yes” agad ang sagot ni Ellen Adarna nang tanungin siya kung niligawan siya ng leading man niya sa Pasion de Amor na si Ejay Falcon.
Hindi rin ito itinanggi ni Ejay pero paliwanag niya, “pero noong mga panahon na ‘yun, siguro, mas pinili na lang namin na mag-focus muna kami sa trabaho.”
So, nabasted ba siya?
“Hindi naman,” sagot ni Ejay na hindi maidetalye kung ano ang nangyari at hindi nagtuloy sa isang relasyon ang panliligaw niya.
Si Ellen na lang ang nagkwento kung ano ba talaga ang nangyari.
“Nainis ako sa ‘yo, di ba?” sabi ni Ellen kay Ejay. “Tapos, hindi kami nag-usap for sometime. Pero okay na kami ngayon.”
Binigyan naman daw niya ng chance si Ejay.
“I gave him a chance. We dated pero hindi lang na-ano,” she said.
Singit ni Ejay, “baka ayaw niya ng artista” na sinagot naman ni Ellen ng “bakit may hugot ka?”
Hindi naman daw ‘yun ang dahilan.
“Nag-away lang kami and then we just didn’t talk.”
When asked kung ano ang pinag-awayan nila, sabi ni Ellen, “sa amin na lang ‘yun.”
Gwapo naman daw si Ejay, mabait, caring, pero talaga lang daw hindi nagtuloy sa isang relasyon ang lahat.
Sen. Grace parang lagi pa ring ‘kapiling’ si FPJ
Madalas pa rin daw mapanaginipan ni Sen. Grace Poe ang kanyang yumaong ama na si Da King Fernando Poe Jr.
“Palagi sa panaginip kapag nakikita ko ang tatay ko, parang palaging normal lang na mabilis na parang may pupuntahan siya ulit. Na hinahabol ko siya,” kwento ng senadora sa isang forum.
Nang tanungin siya kung may idea siya kung ano kaya ang ibig sabihin ng mga panaginip niyang ito, “hindi ko nga maintindihan anong ibig sabihin pa noon hanggang ngayon,” ika niya.
Ayon pa kay Sen. Grace, kapag mayroon syang mga kinakaharap na problema, lalo pa ngayon at panay ang bato sa kanya ng mga isyu dahil sa kanyang pagtakbo bilang pangulo, ay maraming bagay raw talaga ang nakakapag-paalala sa kanya kay FPJ.
“Pero minsan kapag meron akong mga hamon sa buhay, nag-iisa na lang, may magte-text sa akin at magsasabi ay huwag mo kakalimutan iyong sinabi ni FPJ noon na mas mataas sa batas ang kapakanan ng mga tao,” kwento niya.
Patuloy mang hinahanap ng senadora ang kanyang tunay na pinagmulan ay hindi naman daw nagkulang sa pag-aalaga at pagmamahal sina Da King at ang maybahay nito, ang respetadong aktres na si Susan Roces.
Talaga namang proud na proud nga raw siya sa tuwing mapapanood niya sa TV ang mga pelikula ni FPJ tulad ng Panday na sikat pa rin sa henerasyong ito. Feeling daw ng senadora ay palagi pa rin nyang kapiling ang kanyang ama dahil sa mga pelikula nito na talaga namang nagmarka sa mga Pilipino.
Kanta ni Gloc-9, in demand sa mga pulitiko
Nitong January lang ni-release ni Gloc-9 ang kantang Pareho Tayo na libreng napakinggan at na-download ng kanyang mga tagahanga online. Nakakuha ito ng 11,000 plays at halos 900 downloads – hindi na masama para sa isang bansang mabagal ang internet.
Ang music video naman na inilabas lang noong isang linggo ay mayroong nang halos 43,000 views.
Kung tutuusin, ang Pareho Tayo ay isang kantang maaaring gamitin ng kahit na sinong pulitiko para sa kampanya, dahil ikinukuwento nito ang kasalukuyang kondisyon ng bansa, at umaasa ito sa posibilidad ng pagbabago. Hindi ba’t ‘yan din naman ang ipinapangako ng lahat ng pulitiko?
Ang pag-aquire ng isang existing na kanta para sa isang pulitiko ay hindi na bago. Noong 2010 ay ginamit ni Manny Villar ang kantang Simpleng Tao ni Gloc-9, na in-acquire sa pamamagitan ng recording company na may-ari ng kanta. Ang kantang Bagong Umaga naman ni Bayang Barrios ay noong 1996 pa niya inilabas, ngunit ginamit lamang sa kampanya ni FPJ noong 2004, at patuloy pang ginagamit sa kampanya ni Senator Poe sa kasalukuyan.
Nang marinig ni Atty. Rico Quicho ang kantang Pareho Tayo, agaran siyang naghanap ng paraan upang makontak ang PPL Entertainment upang malaman kung maaaring ma-acquire ito. Nag-umpisa ang negosasyon para sa kanta noong kalagitnaan ng Enero.
Mula February 1, 2016 ay kay Atty. Rico Quicho na ang Pareho Tayo.