Mga nagre-replay na serye ’pag weekend, nababawasan ang nanonood araw-araw!

Nakapagtataka kung bakit pumapayag ang mga sponsor ng TV soap na magkaroon ng non-stop replay ang mga naipalabas ng Lunes hanggang Bi­yer­nes na shows na ginagastahan nila ng milyones tuwing Sabado o Linggo.

Puwedeng libre na ang kanilang mga commercial spot sa show tuwing repeat telecast. Sa aming palagay higit pa rin ang mawawala sa kanila. Ang mga regular televiewer kasi kung minsan sinasadya nang umiwas sa pagsubaybay ng mga teledrama on its regular weekday din.

Puwede na silang hindi magmadali sa pag-uwi upang abutan lang ang airing ng paboritong show.

Maaari na rin silang magkaroon ng lakad ng mga simpleng araw. Tutal komportable naman nilang mapapanood ang mga na-miss na bahagi ng palabas sa nakaraang limang araw.

Ibig sabihin din nito, mababawasan ang mga nakakakita ng mga TV commercial na super mahal per 30-seconder, lalo’t mataas ang rating ng show.

Baka naman ang mentalidad ng mga malalaking kompanya ay public service na nila ang mag-non-stop replay every weekend? Public service raw, oh!

Bagong obra ni Gallaga, hinihintay na

Una naming nakita si Director Peque Gallaga sa Chaparols Mansion, sa Silay, Ba­colod, location shooting ng Gumising Ka, Ma­ruja, na idinirek ng yumaong National Artist for Film na si Lino Brocka.

Si Peque ang production designer ng pelikulang bida si Susan Roces. Isa sa mga student/assistant niya ang very young and handsome na si Joel Torre.

Doon pa lang kitang-kita na kung gaano ka-metikuloso at perfectionist si Gallaga. Isa si Gallaga sa mahusay na production designers na naging direktor agad.

Nagkataon naman na ang kanyang unang idinirek, ang epic na Oro, Plata, Mata, ay lahok ng Pilipinas sa Asia Pacific Film Festival na dinaluhan namin sa Taipei. Nagwaging best screenplay ito for Jose Javier Reyes.

Malakas ang usapan sa loob ng festival na front runner si Gallaga na magwaging best director at ang kanyang first movie ang best film.

Naging household name ang pangalang Pegue Gallaga dahil sa mapangahas na Scorpio Nights. Higit namin naging paborito ang Unfaithful Wife, na lead actress din si Anna Marie Gutierrez, kasama sina Michael de Mesa at Joel Torre.

Parehong naging best actor ang dalawang lea­ding man ni Ana Marie.

Sa tatlong dakilang pelikula ni Gallaga, sapat na siyang mahirang na National Artist for Film. Idagdag pa ang iba niyang obra at sasabihing he is such a sublime filmmaker.

Ipapalabas na ang bago niyang obrang Seduction, mula sa Regal Entertainment, Inc. Sa mga napanood naming pira-pirasong bahagi ng isa pang kontro­bersiyal na sine, Pegue Gallaga is once again in his best elements. Naiinip na tuloy kami sa paghihintay ng playdate nito sa Jan. 30.

Sana magpa-press preview sina Mother Lily Monteverde at Pegue Gallaga. Please huwag mangumbida ng mga killjoy na MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) staff.

Jay Manalo tapos na sa paghuhubad, siniseryoso na ang pag-arte

Unang nabanggit ni Manay Ethel Ramos na si Jay Manalo, gumanap ng mahalagang papel sa Seduction, ay ang susunod na Eddie Garcia. Sumang-ayon agad si Direk Peque. Siya man ay humahanga sa husay umarte ng aktor.

“Wala muna akong mga exposure sa Seduction,” natawang sabi ni Jay. “’Tapos na muna ako sa mga sexy scene. Haharapin ko naman ang pag-arte.”

Available naman pala si Jay sa mga character role.

Produ nilinis muna ang sexy film bago ipina-rate sa MTRCB

Tuwang-tuwa ang producer ng isang sexy indie film nang ma-approve ang kanyang pelikula na Rated R or for adults only, na wala kahit kapirasong eksenang pinatanggal!

Paano naman nilinis muna nilang mabuti. Tinanggal ang mga frontal nudity at malalaswang eksena sa kama bago sinumite sa Board. Saka na lang ikakabit ulit kapag nasa sinehan na ang kanilang prints!

Show comments