Walang import, walang coach, walang problema!
Iyan ang ipinakita ng defending champion Talk N Text noong Miyerkules nang talunin nila ang B-Meg, 102-96 para makuha ang solo liderato ng PBA Commissioner’s Cup sa kartang 3-0.
Nagtamo kasi ng knee injury ang import nilang si Omar Hassan Samhan sa laro kontra Alaska Milk noong Linggo na napanalunan ng Tropang Texters, 110-98. Nagkukumahog na makakuha ng import ang Talk N Text subalit walang puwedeng makarating kaagad ‘on short notice.’
“Tatlong araw na nga akong hindi natutulog, e. Tawag ako nang tawag sa mga agents para makakuha ng kapalit ni Samhan. Pero walang puwedeng makarating before our game against B-Meg, ani Reyes.
So puwersado silang all-Filipino laban sa Llamados.
Pero hindi nagsilbing problema iyon. Kasi, all-Filipino champion ang Talk N Text. Kabisado ng mga locals ang isa’t isa. Baka nga mas nalilito pa sila kung may import.
First quarter pa lang ay nakuha na kaagad ng Talk N Text ang kalamangan at idinikta nila ang tempo ng laro.
Kaya lang, kahit na malaki ang kanilang kalamangan ay patuloy sa pagrereklamo si Reyes sa mga referees. Tuloy ay natawagan siya ng technical foul.
Sa halftime break ay tumawid ng court si Reyes at kinausap ang technical panel kabilang si Commissioner Chito Salud.
Hayun at bago nag-umpisa ang third quarter ay sinampal na naman siya ng isa pang technical foul. Dahil doon ay na-thrown out siya at si Nash Racela ang siyang tumayong coach. Wala namang problema doon kasi maraming katulong si Reyes sa bench. Nandoon pa ang consultant nilang si Norman Black.
Nagpilit na maghabol ang B-Meg at naibaba ng Llamados ang malaking kalamangan ng Talk N Text sa tatlong puntos. Kaya lang ay napabayaan nila si Jayson Castro na tumira ng three-point shot na siyang sumeguro sa tagumpay ng Tropang Texters.
Sa totoo lang, puwede naman talagang manalo ang Talk N Text kahit walang import pero kung hindi sila kukuha ng kapalit ni Samhan, mamumultahan sila ng malaki sa bawat larong wala silang import.
Unang kinunsidera ng Tak N Text bilang kapalit si Donnel Harvey na galing sa Chinese League. Pero nagbalik ito sa Estados Unidos at doon nakipagnegosasyon sa Tropang Texters.
“Akala namin ay okay na siya kasi may pinirmahan na siyang agreement sa amin. Pero hindi daw makasakay sa eroplano. hanggang ngayon ay hindi pa umaalis sa States. Parang biglang umayaw. baka nakakuha ng tawag buhat sa mga teams sa Europe na malaki ang bayad,” ani Reyes.
Mayroon pa silang isang kinukunsidera subalit sa March 15 pa ito magiging available. So, out of the picture na iyon.
Mabuti na lang at nakalusot sila sa B-Meg at mapanatiling malinis ang kanilang record. At hindi naman sila pinagmulta ng PBA dahil sa pagkawala ng import. Hindi naman deliberate na hindi sila naghanap ng kapalit.
Ang maganda dito ay may isang linggong break ang Talk N Text dahil sa ang susunod nilang laro ay sa Marso 7 kontra Air21. So, may sapat na panahon si Reyes para maghanap ng bagong import at suriing mabuti ang mga prospects. Hindi siya magmamadaling magparating ng kapalit ni Samhan.
Baka nga mas magaling pa kay Samhan ang kanyang makuha. Aba’y lalong lalakas ang Texters!