Orcollo, Alcano lusot sa Austria

MANILA, Philippines - Laban sa isang babae at isang lalaking karibal, ipinakita nina second seed Dennis Orcollo at Ronnie Alcano ang kanilang porma matapos maunahan sa 0-2 patungo sa 8-2 paggupo kina Mario He at Jasmin Ouschan ng Austria sa 2011 World Cup of Pool kahapon sa Block Atrium sa SM North EDSA Mall sa Quezon City.

Isang foul ni Ouschan ang nagbigay-daan sa ratsada nina Orcollo at Alcano upang iposte ang malaking 7-1 bentahe mula sa 0-2 lamang ng Austrians.

Ang magandang break ng tubong Bislig, Surigao Del Sur na si Orcollo ang nagresulta sa kanyang run-out upang tuluyan nang wakasan ang laro sa 8-2.

Makakatapat nina Orcollo at Alcano, ang dating World 8-Ball at World 9-Ball champions, ayon sa pagkakasunod, sina John Morra at Jason Klatt ng Canada na tumalo naman kina Alex Borg at Tony Drago ng Malta, 8-4.

Sina Orcollo, sumegunda kay Ralf Souquet ng Germany sa nakaraang World Pool Masters, at Alcano ay nakasama ng magkumpareng sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante sa second round.

Kasabay ng pamamayagpag ng mga Filipino cue masters, isa-isa namang nahulog sa torneo ang mga bigating No. 1 China, No. 3 England, No. 8 Spain at No. 16 Indonesia.

Show comments