MANILA, Philippines - Dumiretso sa kanilang pang limang sunod na panalo ang Philippine Army matapos talunin ang Ateneo De Manila University, 25-16, 23-25, 25-14, 25-20, at lumapit sa pagwalis sa elimination round ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Dahlia Cruz ng mahalagang apat na hits sa fourth set para sa 5-0 rekord ng Army kasunod ang San Sebastian College (4-1), Philippine Navy (4-1), tinalo ang Maynilad, 25-22, 25-20, 25-16 sa ikalawang laro, Philippine Air Force (2-3), Ateneo (2-4), Maynilad (1-4) at Perpetual Help (0-5).
Nakatakdang harapin ng Lady Troopers ang kapwa quarterfinalists na Lady Stags bukas para sa pagsasara ng eliminasyon.
Nagtala si Michelle Carolino, nagmula sa isang five-hit, one-set performance sa four-set win ng Army sa Maynilad noong Linggo, ng 16 kills para sa kanyang 20 hits, habang may 18 points si Mary Jean Balse.
Nag-ambag sina Joanne Buñag at Marietta Carolino ng tig-11 hits at tumapos si Cruz na may 10 points, kasama ang 4 blocks.
Pinamunuan nina Alyssa Valdez at Fille Cainglet ang Lady Eagles sa kanilang pinagsamang 30 hits.
Bagamat natikman ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan, umabante pa rin ang Ateneo sa quarterfinals bilang No. 5 team, samantalang pag-aagawan naman ng Maynilad at Perpetual ang natitirang No. 6 seat.
Nagtumpok sina Angeline Gervacio, Gretchen Ho, Aerieal Patnongon at Jamenea Ferrer ng pinagsamang 18 hits para sa Lady Eagles.