MANILA, Philippines - Hangad ng Lady Stags na mapanatili ang mainit nilang laro, habang pipilitin naman ng Lady Eagles na makabangon mula sa isang kabiguan.
Nakatakdang pag-agawan ng Ateneo De Manila University at ng San Sebastian College ang liderato ngayong alas-4 ng hapon matapos ang labanan ng Philippine Air Force at Perpetual Help sa alas-2 sa Shakey’s V-League Open Conference sa The Arena sa San Juan.
May 2-0 rekord ang Philippine Army kasunod ang Ateneo (2-1), San Sebastian (2-1), Philippine Navy (1-1), Maynilad (1-1), Air Force (1-2) at Perpetual (0-3).
Nagmula ang Lady Eagles sa 21-25, 24-26, 25-20, 31-29 pagyukod sa Air Women na pumigil sa kanilang two-game winning run.
Isang 25-18, 25-17, 25-13 tagumpay naman ang inilista ng Lady Stags laban sa Lady Altas.
Muling ibabandera ng Ateneo sina Alyssa Valdez, Fille Cainglet, Angeline Gervacio, Gretchen Ho at Jamenea Ferrer, tumulong sa Lady Eagles sa korona kontra Adamson Lady Falcons sa first conference.
Naglista sina Cainglet at Valdez ng 19 at 18 hits averages, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Eagles.
Sasandigan naman ng San Sebastian ang leading spiker na si American guest player Lauren Ford katuwang sina Thai import Jang Baulee, Mary Jane Pepito, Jill Gustilo, Joy Benito, Dafna Robi-os at guest players Janette Doria at Rubie de Leon.
Sa unang laro, bibigyan ng malaking bentahe ang Air Force sa pamamagitan nina dating Most Valuable Players Aiza Maizo at Cherry Macatangay kontra Perpetual sa torneong inihahandog ng Shakey’s, Mikasa, Accel, Mikasa at Maynilad Water.