Bagong Idolo

Bagong ambassadors ng sports, o kaya ay role models.

Iyan ang taguri ngayon sa Philippine Azkals na gumawa ng kasaysayan kamakailan nang ihatid nito ang bansa sa second round ng 2014 World Cup qualifier sa empatikong 4-0 pagbaon sa Sri Lanka Brave Reds.

Napaka-popular ngayon ng Azkals. Sino ba ang hin­di nakakilala sa kanila ngayon? Kung noon, iba ang ibig sabihin ng salitang “askal”, tila nasa ibang level kapag ang ibinigay na taguri sa iyo ay “azkal.”

Sino nga naman ang hindi mahuhumaling sa larong football kung ang mga ito ang maglalaro. Kahit nga ang kumare ko na hindi nakakaintindi ng football ay tila expert na rin dahil sa popularidad ng Azkals.

At gaano nga ba kapopular ang Azkals? 

Aba eh, maging si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay nagpadala ng pagbati sa mga ito at nagpa­hayag ng kanyang kasiyahan sa impresibong panalo ng Philippine Azkals. Sinabi pa nito na panatilihin ng ko­ponan ang pagiging inspirasyon sa sambayanan.

Nakasaad sa padalang mensahe ni Aquino na: “The entire nation was thrilled by the victory of our very own Philippine Azkals. I join our people in celebrating their 5-1 aggregate win over Sri Lanka. I urge you to continue to bring our countrymen together and give them even more things to be proud of. I wish you the best of luck against Kuwait..”

Nakasulat din na manatili sanang ehemplo ang Az­kals sa mga kabataan pagdating sa sportsmanship, at manalo man o ma­­talo ay manatiling ins­trumento ang koponan upang pag-isahin ang ba­­yan.

Kaya nga masasabi nating ‘tubong-lugaw’ ang ginastos na pondo ng Phi­­lippine Football Fede­ra­tion sa renobasyon sa Rizal Memorial Football Stadium. Dahil sa Azkals, na­buhay ang football sa bansa.

Kahit saan, mapa-print, radio at sa telebisyon (hindi ba may teleserye pa nga tungkol sa football na ang mga actor ay pawang mga bata sa GMA-7), na­roroon ang football.

Sa atin lang, sana naman ay masustinihan ng PFF ang popularidad na ito ng football. Ngayon pa lamang ay dapat na nag-iisip na sila ng mga short, medium at long term programs na maaaring magamit para mas iangat pa ang laro bukod pa sa maka-recruit ng mga potensyal na atleta.

Strike while the iron is hot.

Show comments