MANILA, Philippines - Dinomina ng mga pambato ng Cagayan De Oro ang idinaos na Visayas leg ng Suzuki Raider Breed War, the quarter-mile battle, nang kunin nina Kevin Triambulo at Ruen Carl Mangubat ang dalawa sa tatlong dibisyong pinaglabanan nitong Linggo sa lumang paliparan sa Bacolod City.
Tampok na panalo ang naibulsa ng 22-anyos na si Triambulo nang manalo sa Raider R150cc na nilahukan ng 38 karerista kabilang ang 2010 national champion na si Maiko Adapon.
Tinalo ni Triambulo si Godfrey Dionela, Ramon Vertudes at James Varte para makasama sina Aldrin Alivio at Wienndel Delubio ng Kanlaon City, Negros Occidental sa single round robin finals.
Hindi naman nakaporma Sina Alivio at Delubio kay Triambulo para kunin ang titulo sa karerang inorganisa ng Suzuki Philippines at suportado ng Phoenix Cyclomax.
Ang unang dalawang karerista sa lahat ng dibisyong pinaglabanan ay didiretso sa National Finals sa Disyembre kaya't nakaabante na rin si Delubio na tinalo si Alivio sa labanan para sa 3rd place.
Ang kababayan niyang si Mangubat ay nagdomina sa Wild Card o para sa motor na hindi lalampas sa 200cc.
Pinawi naman ni Adapon ang kamalasang inabot sa 150cc nang magkampeon sa 110cc matapos talunin sa sudden death si Fredderick Maranon.