MANILA, Philippines - Kinailangan lamang ni GM Wesley So ng isang panalo upang makuha ang pamatay na porma.
Matapos makuha ang unang panalo kay GM Surya Shekhar Ganguly ng India ay tinuhog pa ni So si French GM Laurent Fressinet sa sixth round upang umangat na sa ikatlong puwesto ang pambato ng bansa sa idinadaos na 73rd Tata Steel-Corus Group B chess championship sa de Morianne Commuity Center sa Wijk Ann Zee, Netherlands.
Isang magandang sulong sa 20th move na nagresulta upang magkapalitan sila ng piyesa ng kalaban na nauwi naman sa rook-pawn na pagtatapos.
Napilitan na mag-resign si Fressinet nang lumapit ang h-pawn ni So para maging queen o kung pipigilan ay mawawala naman ang rook ng French GM.
Si Fressinet ang ikaapat GM na tinalo ni So na may mahigit na 2700 ELO ranking kasunod nina GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine (ELO 2764), Gata Kamsky ng US (ELO 2730) at GM Ni Hua ng China (ELO 2724).
Ang panalo ay nagbigay kay So ng kanyang ikaapat na puntos mula sa dalawang panalo at apat na tabla sa 13-round category 17 na torneo.