MANILA, Philippines - Maliban kay taekwondo jin Nicole Mapilisan, wala nang problema sa bilang ng national athletes na lalahok sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ito ang inihayag kahapon ni Chef De Mission Joey Romasanta, spokesman ng Philippine Olympic Committee (POC), sa lingguhang “POC-PSC on Air” sa DZSR Sports Radio.
“Wala namang pending na ipahahabol pa except itong nangyari sa taekwondo association na napilayan ‘yung isa nilang atleta na si Nicole Mapilisan,” ani Romasanta.
Si Mapilisan ay nagkaroon ng ACL (anterior cruciate ligament) injury na siya ring dahilan ng hindi pagsabak ni Olympian Toni Rivero sa 2010 Guangzhou Asiad.
“Nagkukumahog ang taekwondo association to replace Nicole Mapilisan. But unfortunately, nalaman namin na wala pa siyang passport at wala pa siyang litrato. So sinabi namin sa kanila na apurahin lang at pipilitin nating maihabol kung puwede pa,” ani Romasanta sa taekwondo association.
Umabot sa 236 ang bilang ng mga atletang sasabak sa nasabing quadrennial event na nakatakda sa Nobyembre 12-27.
Idinagdag na rin ng POC working committee ni Romasanta ang 12 atleta mula sa women’s basketball na kailangang manalo sa 2010 South East Asia Basketball Association (SEABA) sa Oktubre 25-29 sa Ninoy Aquino Stadium.
Kailangan ring kumbinsihin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang FIBA-Asia na iurong ang nakatakdang drawing of lots sa women’s basketball sa Oktubre 8.
Ngunit kung hindi maiaatras ang drawing of lots ay magkakaroon ng komplikasyon ang pagsali ng mga Filipina cagers sa Guangzhou Asiad, ayon kay Romasanta.