MANILA, Philippines - Walang nakikitang problema si Freddie Roach sakaling matuloy na ang pagkukrus ng landas nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre 14 na posibleng gawin sa Cowboy’s Stadium sa Texas.
Sa panayam ni Gareth Davies ng The Telegraph, sinabi ni Roach na ang bentahe lamang ni Margarito ay ang angking laki nito kay Pacquiao. Ang iba namang bagay lalo na ang husay sa paglaban sa ring ay pabor na sa Pambansang kamao.
“Margarito is a big, strong guy. I’m not overly worried about him. I’m not a big Margarito fan. Manny will have too much for him,” wika ni Roach.
Si Margarito ay may taas na 5’11 habang 5’6 ½ naman si Pacquiao. May anim na pulgada na bentahe rin si Margarito sa reach pero mas marami ng laban ang sinagupa ni Pacquiao sa kanyang 56 laban at 51 panalo kumpara sa 45 lamang ni Margarito at 38 tagumpay.
Kasama sa hinarap ni Pacquiao sa kanyang career ay ang mga mas malalaking katunggali na sina Oscar De La Hoya, David Diaz, Miguel Cotto at Joshua Clottey pero hindi sila umubra kung lakas sa pagsuntok ang pag-uusapan.
Ang laban na pilit na iniluluto ng Top Rank ay gagawin para sa bakanteng WBC junior middleweight (154 lbs) at magkakaroon ito ng catch weight upang mabalanse ang angking laki ng pangangatawan ng 32-anyos na si Margarito.
Bukas si Roach sa idea na igitna ang timbang na paglalabanan mula sa welterweight (147 lbs) at junior middleweight at sa kanyang palagay, pinakaepektibo si Pacquiao kung papasok siya sa laban sa 149lbs.
“He’ll come in at 149 lbs in the ring. He can’t come in too much heavier that than and anyway, any extra weight would not help him. Manny will start fast with this guy and we will finish with him fast,” pagtitiyak pa ni Roach.
Sa plano ni Roach, sa kalagitnaan ng Setyembre tutungo siya sa Pilipinas upang dito simulan ang pagsasanay ni Pacquiao habang ang huling apat na linggo ay gagawin naman sa kanyang Wild Card Gym.
Hindi pa ganap na selyado ang sagupaan dahil hindi pa nakakakuha ng boxing license si Margarito.
Nagsumite na ng aplikasyon si Margarito sa Texas Department of Licensing and Regulation pero mangangailangan pa ng 10 araw bago madesisyunan kung mabibigyan siya o hindi ng lisensya.