MANILA, Philippines - Uuwing luhaan si Filipino boxer Balweg Bangoyan sa hangaring maihanay ang sarili bilang world champion ng bansa.
Naiwang bukas ang panga, kinapitalisa agad ito ni Japanese champion Toshiaki Nishioka upang mapatamaan ng malakas na suntok upang bumulagta ang Filipino challenger na siyang naging hudyat ng kabiguan nito.
Nakatayo man ay napuwersa si referee Gelasio Perez Huerte na itigil ang laban may 1:14 sa ikalimang round nang hindi na makatugon si Bangoyan nang araruhin na siya ng suntok ni Nishioka.
Ito ang ika-36 panalo sa 43 laban ni Nishioka bukod sa pang-23 KO pero higit dito ay ang pagpapanatili niya sa hawak na WBC super bantamweight title.
Unang kabiguan matapos ang 15 sunod na panalo ang nalasap ni Bangoyan na naunang nagpahayag ng paniniwalang kakayanin niya ang mas beterano at 33 anyos na kampeon.
Nakapagbigay naman ng magandang laban sa unang mga rounds ang 23 anyos na tubong Davao na challenger hanggang sa kanyang nakaligtaan na depensahan nang husto ang sarili na siyang hinintay ni Nishioka.