PAGBABAGO?

Pasko ng Pagkabuhay. Pag-asa ng sangkatauhan na ituiwd ang mga maling ginawa. Pagkakataon na burahin ang mga pagkakasala.

Ano ba ang muling pagkabuhay sa sports? Ilang Semana Santa na ang dumaan, at maraming lider sa sports ang di na nagbago, di na nagsisi, at patuloy pa rin ang makalumang paraan ng pagpapatakbo sa sports.

Maraming pamamalakad ang dapat talagang baguhin sa sports, simula sa kataas-taasan nito. Una, ayon sa patakaran ng Philippine Olympic Committee, ang mga nahalal na Board Member nito ay maaaring manilbihan ng apat na taon kahit di na sila pangulo, bise-presidente o secretary-general ng kahit anong national sports association. May mga POC Board Member na naunang naluklok dito bago magkaroon ng halalan sa kanilang mga sport, kung saan sila natalo.

Pagsubok ito sa integridad ng mga sports official natin. Ano nga naman ang karapatan nila na makinabang sa isang butas sa batas? At paano silang magiging tunay na representante ng kanilang sport kung di man lang sila kasali sa sarili nilang sport? Sa kabilang dako, paano sila gagalangin ng mga kasama nila sa POC, kung wala man lang silang puwesto? Parang nakakatawa naman.

Ito ngayon ang panganib na hinaharap din ni POC president Peping Cojuangco. Ayon sa ulat ng ilang miyembro ng Equestrian Association of the Philippines (EAP), nagtawag ng eleksyon si ginoong Cojuangco, na dapat gawin sa bahay niya. Ayon sa konstitusyon ng EAP, bawat katapusan ng Marso dapat gawin ang halalan. Nang kuwestiyunin ang pagdarausan ng ilang kasapi ng EAP, kabilang si Rep. Carissa Coscolluela ng Buhay Party-List, biglang wala nang eleksyon.

May punto si Coscolluela, at ilang miyembro ng EAP, kasama si Olympian Toni Leviste. Hindi dapat gawin sa tahanan ng isang kandidato ang eleksyon. Isa pa, bakit nagbibigay ng opinyon ang POC tungkol sa isyu?

Malinaw na conflict of interest ito, dahil ang isa sa sangkot sa isyu ay pinuno ng POC.

Ayon kay Cojuangco, di na raw magkakaroon ng eleksyon, dahil may bagong probisyon sa charter ng EAP na bawat apat na taon na lamang magkakaroon ng halalan. Ayon naman sa panig ng mga kumokontra, may probisyon din na magtawag ng eleksyon kung makabuo ng isang katlo ng mga kinauukulan sa EAP. Sabi ni Coscolluela, kaya nilang gawin ito.

Binigyan nila ng hanggang bukas ang kampo ni Cojunagco na sagutin ang kanilang panawagan na mag-usap. Kung walang mangyari, magpupulong ang mga atleta’t ilang board member upang magtawag ng eleksyon. Ayon sa kanila, walang nangyaring pagbabago sa ilang taong nakaupo si Cojuangco. Noong inilipad si Leviste at ang kanyang kabayo sa Malaysian Grand Prix ng mga punong-abala nito noong isang taon, hindi man lamang siya madala ng EAP sa kasunod nitong SEA Games, na di hamak na mas malapit. Talo tuloy tayo.

Unti-unting namamatay ang equestrian sa Pilipinas, at ang ilang mga magulang na nagpopondo ng kanilang mga anak sa mga competition ay nawawalan ng gana, dahil wala silang nakikitang torneo na inoorganisa ng EAP.

Sa linggong ito ng muling pagkabuhay, magkakaalaman na kung magkakaroon nga ng bagong buhay ang equestrian.

Show comments