Is Brian Hamilton for real?
Iyan ang itinatanong ng karamihan patungkol sa import ng Purefoods Tender Juicy Giants papasok sa laban nila kontra Rain or Shine ngayon sa Batangas City.
Maganda kasi ang first impression na ibinigay ni Hamilton sa lahat sa kanyang unang laro kontra Talk N Text Tropang Texters noong Linggo kung saan nagtala siya ng triple double.Siya ay nagtapos nang may 22 puntos, 16 rebounds at 10 assists bukod pa sa tatlong steals at isang blocked shot sa 43 minuto.
At take note, wala siyang error sa kabuuan ng laro ha!
Kumbaga’y perfect game kasi nanalo pa ang Purefoods kontra sa reigning Philippine Cup champions, 131-121.
Ang huling import na nagtala ng triple double sa kanyang kauna-unahang game sa PBA ay si Dennis Williams ng Shell Velocity at ito’y nagawa noong 1997 pa.
Kaya naman mataas ang expectations ng lahat ngayon kay Hamilton. Mataas na ang expectations sa kanya ni coach Paul Ryan Gregorio na umaming may standby import sila nang dumating si Hamilton sa bansa. Naneneguro daw kasi ang kahit anong team kaya sila may back-up plan.
So, muling masusubukan si Hamilton mamaya at hindi basta-basta ang kanyang makakaharap. Kasi nga’y isang datihan ang import ng Rain or Shine na si Charles Clark na gumawa naman ng 23 puntos, 13 rebounds at dalawang assists sa 91-83 panalo ng Elasto Painters kontra Barako Bulls noon ding Linggo.
Unang naglaro si Clark sa Rain or Shine (dating Welcoat Paints) noong 2007 Fiesta Conference pero tumagal lang ito ng pitong games dahil sa nagtamo ng fractured toe. Ironically, ang injury na ito ay naganap sa laro ng Rain or Shine kontra Purefoods din. Siya ay pinalitan ni Rob Sanders.
Sa pitong games, si Clark ay nag-average ng 25.9 puntos, 9.9 rebounds, 2.9 assists at isang steal.
Ayon kay coach Caloy Garcia, nag-improve na ang laro ni Clark dahil sa palaban na rin ito sa rebounds at iyon ang siyang kailangan ng Rain or Shine sa kasalukuyan.
So, makakaliskisan talaga si Hamilton mamaya. Hindi kagaya niyang baguhan ang kanyang makakaduwelo. May pruweba na ‘ka nga si Clark.
Pero kung muling makapagtatala ng triple double si Hamilton, aba’y masesementuhan ang kanyang reputasyon bilang isang mahusay na import. Biglang magiging top contender ang Purefoods sa Fiesta Conference.