Kasalukuyang nakiki-pagnegosasyon ang beteranong coach na si Yeng Guiao sa Burger King para maging head coach ng Air21 franchise sa susunod na Fiesta Conference.
Nakikipag-usap na ang 49-gulang na si Guiao kay Erik Arejola ng Harbour Centre na pagmamay-ari ni Mikee Romero na isa sa shareholder ng Burger King.
Sa katunayan, nagkasundo na ang magkabilang panig at detalye na lamang ng kontrata ni Guiao ang pinag-uusapan.
Matatandaang nagbitiw si Guiao bilang coach ng Red Bull kung saan ginugol niya ang kanyang coaching career sa loob ng walong taon.
Si Guiao din ang naitalagang coach ng PBA national team na isasabak sa malalaking international tournaments gaya ng FIBA-Asia championships tungo sa pinapangarap na pagkampanya ng bansa sa World Championships.
Kapag naayos na ang lahat, ang Burger King, ang magiging pangalan ng Air21 team sa susunod na kumperensiya, ang ikaapat na team ni Guiao sa PBA matapos siyang magcoach sa Swift, Pepsi/Mobiline at Red Bull.
Hinihintay pa ang approval ng PBA board sa pamumuno ni chairman Joaqui Trillo ng Alaska, sa pagpapalit ng pangalan ng Air21 sa Burger King sa darating na PBA Fiesta Cup.