BROTHER ACT

Malamang na muling magkaroon ng isang Cabatu sa Barangay Ginebra sakaling makapirma ng kontrata si Junjun Cabatu sa Gin Kings.

Si Junjun ay nirelease ng Alaska Milk matapos na makuha ng Aces si Joe deVance buhat sa Rain Or Shine Elasto Painters. Baka daw kasi lumampas sa salary cap ang Alaska Milk, ayon sa isang miyembro ng coaching staff ng Aces.

So, sinubukan ni Junjun na magpunta sa Barangay Ginebra na wala namang nakuhang manlalaro sa nakaraang PBA Rookie Draft. Intact ang Gin Kings pero naghahanap si coach Joseph Uichico ng mga batang manlalaro para naman makatuwang ng mga beterano.

Noong Biyernes ay naglaban ang Gin Kings at Purefoods Tender Juicy Giants at very impressive ang ginawa ni Junjun na nagtapos nang may 13 puntos. Ang siste’y wala yata si Uichico sa larong iyon at ang mga assistants niyang sina Allan Caidic at Art dela Cruz lang ang siyang gumiya sa Gin Kings na natalo sa Giants, 83-82.

Kung sakaling kunin ng Barangay Ginebra si Junjun, aba’y susundan niya ang yapak ni Billy Mamaril.

Kasi nga, ang ama ni Billy na si Romulo Mamaril ay naglaro din sa Ginebra. Ang ama naman ni Junjun na si Santiago Cabatu ay dati ring Gin King.

“Sana nga makuha si Junjun sa Ginebra para maging kasing tapang ko!” pagbibiro ni Sonny sa isang pagtitipon.

Puwede ding mapabilang ang Cabatu sa talaan ng mga “brother acts’ sa PBA kung sakali naman mapapirma ng kontrata ang nakababatang kapatid ni Junjun na si Christian Cabatu sa Sta. Lucia Realty.

Si Christian, na produkto ng College of St. Benilde, ay kinuha ng Realtors bilang 20th pick ng nakaraang Draft. Bale ikatlo siyang rookie na dinampot ng Sta. Lucia.

Medyo masikip at dadaan sa butas ng karayom si Christian. Pero hopeful si Sonny na lulusot ang isa pa niyang anak.

“Sa Miyerkules pa mag-uusap sina Christian at Sta. Lucia management. Sana nga ay magkaayos,” ani Sonny.

Kapag nagkaganoon, magiging napakasaya ni Sonny at very fulfilled bilang isang ama. Kasi nga’y matagumpay na makasunod sa kanyang tinahak na landas sina Junjun at Christian.

Sana nga lang ay malampasan nila ang nagawa ng kanilang ama.

Show comments