Tour Pilipinas 2004: Yellow jersey 3 araw na kay Domingo

SOLANO, Nueva Vizcaya--Tila hindi nauubusan ng lakas ang sprint expert na si Enrique Domingo, Postmen team captain nang ipakita nitong may ibubuga rin siya sa ahunan para mapanatili ang overall leadership pagkatapos nang akyating Stage 9 na nanggaling sa Cabanatuan, Nueva Ecija hanggang sa bulubunduking bayang ito na pinagharian ng kanyang national teammate na si Warren Davadilla ng Purefoods sa pagpapatuloy ng Air21 Tour Pilipinas kahapon.

"Ang akala nila at akala ko rin, hindi ako makakasabay sa kanila sa ahunan. Medyo nakadagdag ng kumpiyansa, tignan natin ngayon," sabi ng STAR carrier na overall leader pa rin sa ikatlong sunod na araw. "Pero hindi ko na lang iisipin ang overall para hindi ako ma-pressure."

Isa sa nakapagbigay ng lakas kay Domingo ay ang P10,000 suportang ibinigay ng STAR Group of Publications president na si Miguel Belmonte. "Tumaba ang puso ko. Salamat kay Boss Miguel. Parang nagkaroon ako ng lakas sa ahunan," ani Domingo na bagamat isa sa dalawang sprint stretches ang nakuha kahapon, lalong lumaki ang kanyang naipong puntos para sa kanyang puntiryang ikaapat na Spint King title sa kanyang nalikom na 36 puntos na sinusundan pa rin ni Baluyot na may 14-puntos lamang. Humabol naman sa lead pack ang 1998 Tour champion na si Davadilla at nakipagrematihan sa anim na kasama nito patungo sa huling 300-metro papasok sa finish line para kunin ang P10,000 stage prize na isang konsuwelo sa kanyang ginagawang sakripisyo.

Tinawid ni Davadilla ang finish line matapos ang tatlong oras, 39-minuto at 32 segundong pagtahak ng 145-kilometrong karera na umakyat sa Dalton Pass, ang Dole team captain na si Albert Primero at ikatlo ang dating overall leader na si Frederick Feliciano ng Patrol 117.

May 56-segundo lamang ang agwat ni Domingo na kasama sa malaking grupong tumawid ng finish line kung saan kasama ang second overall sa individual classification na si Tanguilig, ang PLDT team skipper at pumapangatlong si Joel Calderon ng Beer na Beer, ang Stage 8 winner.

Nanatili pa ring may 7:22 minutong agwat ang 35-gulang na si Domingo kay Tanguilig ay halos 10-minutong distansiya kay Calderon sa kanyang total time na 37:12:31 patungo sa Stage 10 ngayon, ang halos patag na Solano-to-Tuguegarao Stage 10 na may distansiyang 203.20 kilometro.

Sa team classification kung saan nakataya ang P1-milyon sa karerang ito na suportado ng Pharex Multivitamins, Red Bull, Isuzu, Lactovitale, Gato-rade,Summit at Elixir Bikeshop, nangunguna pa rin ang Postmen team ni Domingo na may aggregate time na 111:42.49.26 segundo at may 20:48 minutong layo sa pumapangalawang Beer na Beer at 23:40 minuto sa ikatlong Dole.

"I am very grateful that the Tour is going strong at its halfway mark and that the competition has become more colorful and tight," pahayag ni Bert Lina, ang chairman ng Air21 at Tour Pilipinas Inc. na nagdiwang ng kan-yang ika-56 kaarawan ka-hapon. "I would consider this as the greatest gift on my birthday." (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments