Sinandalan ng Welcoat ang maiinit na kamay ni Ariel Capus upang pasadsarin ang LBC-Batangas, 84-65 sa unang laro habang muling nagbida si John Ferriols upang ihatid ang Dazz sa 73-65 panalo kontra sa Blu Sun Power.
Bunga nito, maghaharap ang Welcoat at Dazz sa best-of-five titular showdown na magsisimula bukas sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Matapos mabigong makapasok sa finals, maghaharap naman ang Blu at Batangas Blades para sa konsolasyong ikatlong puwesto.
Matapos iposte ang 11-puntos na pamumuno, 57-46 bunga ng mainit na 21-4 blast sa ikatlong quarter, hinayaan ng Dazz na maibaba ito sa 3-puntos ng Blu sa pamamagitan ng 17-6 run, 63-66 mula sa triple ni Marlon Legaspi.
Ngunit sunud-sunod na error ang nakamit ng Blu na nagbigay daan sa 7-2 produksiyon ng Dazz upang iselyo ang kanilang tagumpay.
Nagbida si Ferriols sa Dazz sa paghakot ng 16-puntos, walong rebounds at tatlong assists sa likuran nang namunong si Allan Salansang na may 19 puntos.
Sa naunang laro, humataw si Capus sa ikalawang quarter sa pagkana ng limang triples para sa kanyang 23-puntos na produksiyon na naging tuntungan ng Paint Masters sa kanilang tagumpay.
Matapos maggitgitan sa unang quarter na natapos sa 23-20 pabor sa Welcoat, nagsimulang gumana ang mga kamay ni Capus upang ihatid ang kanyang koponan sa 15-puntos na kalamangan, 44-29 sa ikalawang quarter.
Bagamat bahagyang nakalapit ang Batangas Blades sa 40-49, kuma-yod naman si Eddie Laure na sinegundahan ni Capus sa pag-arangkada ng Welcoat sa ikatlong quarter.