Mahigit sa 30 aspiranteng manlalaro mula sa PBA ang inaasahang magtutungo sa Moro Lorenzo Sports Center ngayong alas-9 ng umaga para sa final phase ng tryouts.
Dito kukunin ang 24 manlalaro na hahatiin sa dalawang national pool na nakatakdang magpakita ng aksiyon sa unang kumperensiya ng PBA.
Bukod kay Uichico, makakatulong niya sina Eric Altamirano, Ryan Gregorio at Ronnie Magsanoc ng Purefoods, Allan Caidic, Cris Calilan at George Ella ng Ginebra at sa Pop Cola sina Binky Favis at Boyzie Zamar na siyang gumiya sa RP-five na nag-uwi ng medalyang ginto sa nakaraang SEA Games sa Kuala Lumpur noong isang taon.
"Right now, the immediate role is to continue the tryout and form two teams," sabi ni Uichico na umaasa na mapapalawig pa ang itinakdang deadline ng PBA sa Enero 25 para sa pagbuo ng koponan.
Sa unang pagpapatawag ni Jacobs ng tryout, hindi bababa sa 46 cagers ang tumugon sa kanyang panawagan kung saan inihayag ang 17 manlalaro na kanyang nakuha noong Disyembre.
Kabilang sa 17 manlalaro sina Paul Asi Taulava at Don Camaso ng Talk N Text, Mick Pennisi at Davonn Harp ng Red Bull, Noy Castillo at Andy Seigle ng Purefoods, Marlou Aquino at Dennis Espino ng Sta. Lucia, Rudy Hatfield at Poch Juinio ng Pop Cola, Kenneth Duremdes at Ali Peek ng Alaska, Eric Menk at EJ Feihl ng Ginebra, Danny Seigle, Dondon Hontiveros at Danny Ildefonso ng San Miguel at Cris Jackson ng Shell.
Ngayon, inaasahang sisipot naman sa tryouts ang ilang standouts mula sa MBA na sina Romel Adducul, Chris Clay at Rafi Reavis at sina PBL stars Mike Cortez at Ren Ren Ritualo.(Ulat ni Maribeth Repizo)