Sing-init ng panahon ang kampanya ng Philippines dito nang magtala ito ng apat pang gintong medalya sa araw na ito sa maningning na performance ng taekwondo at wushu sa pagpapatuloy ng ika-21st edition ng Southeast Asian Games.
Naisukbit ng numerong unong pambato ng bansa na si Roberto Cruz, gold medalist sa nakaraang Brunei SEA Games, ang gintong medalya sa taekwondo event na ginanap sa malayong Johor Bahru sa mens finweight division makaraang daigin ang Malaysian na si Shahidin Shah Mohd Farook habang isinukbit naman ni Veronica Domingo, 1999 Brunei SEAG bronze medalist, ang ikalawang gold ng bansa makaraang patau-bin si Onyas Nurmala ng Indonesia sa womens lightweight class kahit na hindi naging masuwerte ang ilang Pinoy jins.
Nakuntento sa silver si Eva Marie Ditan, na naka-bronze lamang noong 2001 World Cup championship sa Vietnam makaraang yumuko sa Vietnamese na si Nguyen Thi Dieu.
Hindi rin naging maganda ang kapalaran ni 14th Asian Taekwondo championship silver medalist Donald Geisler na yumukod kay U Thit Lwin ng Myanmar sa mens lightweight event.
Naging maningning naman ang performance ng inaasahang magbibigay ng ginintuang pag-asa na Wushu team makaraang isukbit ang dalawa pang gintong medalya sa araw na ito.
Sinungkit ni Willie Wang, 1999 HK World Championships sword silver medalists ang gold sa mens spearplay (quiang-shu) event, habang ibinulsa naman ni Mark Robert Rosales, ang gold sa cudgelplay (gunshu) event.
Si Arvin Ting , pinakabatang miyembro ng team sa edad na 13 an-yos ay nakakuha ng bronze noong Linggo sa broadsword event.
Tulad ng pangako ni Deputy chef de mission Julian Camacho na siya ring pangulo ng Wushu Federation of the Philippines, bibigyan niya ng P15,000 karagdagang insentibo ang gold medalist, P10,000 sa silver at P5,000 sa bronze mula sa sarili niyang bulsa.
Sa boxing, umusad naman sa susunod na round si Larry Semillano upang punan ang maagang pagkawala ni Juanito Magliquian nang pabagsakin nito si Sann Sokunthea ng Cambodia sa pamamagitan ng Referee-Stopped Contest.