Ito ang ika-apat na sunod na Best Player of the Conference trophy ng 6-foot-5 na si Ildefonso, tubong Urdaneta, Pangasinan na kauna-unahan sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association sapul nang igawad ang karangalang ito noong 1994.
Ito ang ikalawang Best Player of the Conference award ni Ildefonso sa taong ito matapos isukbit ang naturang karangalan sa All-Filipino Cup, na naglapit sa kanya sa posibleng ikalawang Most Valuable Player.
Ang 24-gulang na si Ildefonso ay naging Rookie of the Year noong 1998 bago naging MVP noong nakaraang taon. Si Ildefonso ay naging MVP rin ng All-Star Games sa taong ito.
"Napaka-blessed ko talaga," ani Ildefonso. "Sino bang mag-aakala na darating ang mga ganitong award sa career ko. Nagpapasalamat ako unang-una sa mga teammates ko dahil sa suporta nila at siyempre sa buong San Miguel team."
"Mas magiging masaya ako, kung mapapanalunan ng San Miguel ang championship ng Commissioners Cup," aniya pa."
Napakalaki ng lamang ni Ildefonso kontra sa kanyang pinakamalapit na kalaban na si Davonn Harp ng Batang Red Bull matapos itong umani ng 2,689 total points.
Pinangunahan ni Ildefonso ang lahat ng kategorya sa naganap na botohan ng media, players at four-man committee na kinabi-bilangan ng kinatawan ng Philippine Sportswriters Association, Sports Communicators Organization of the Philippine, PBA Press Corps at Viva Vintage.
Humakot si Ildefonso ng 517 sa statistics, 961 mula sa 24 media votes, 571 mula sa 27 players votes at 640 mula sa tatlong miyembro ng four-man committee upang talunin si Harp na may 1,266 puntos lamang.
Si Harp ay may 506 sa statistics, 240 sa anim na media votes, 360 sa 17 players votes at 160 mula sa isang boto sa four-man committee.
Ang iba pang contender sa naturang karangalan ay sina Danny Seigle ng San Miguel na may 964 total points, Kenneth Duremdes at Ali Peek ng Alaska Aces na may 626 at 535 total points, ayon sa pagka-kasunod.
Tulad ni Ildefonso, naging magaan din ang panalo ni Antonio Lang ng Batang Red Bull para sa Best Import Award ng kumperensiyang ito matapos umani ng kabuuang 2,717 puntos.
Ang pinakamalapit na kalaban ni Lang na si David Wood ng Pure-foods TJ Hotdogs ay umani lamang ng 519 puntos kasunod sina Nate Johnson ng San Miguel na may 401 puntos at Sean Chambers ng Alaska na may 43 puntos lamang.
Nakuha ni Lang ang lahat ng boto ng 4-man committee para sa 800 puntos, 1,070 points mula sa 26 media votes at 847 mula sa 40 players votes. (Ulat ni Carmela Ochoa)