Adamson U taob sa RTU

MALOLOS CITY--Pumalo ang left fielder na si Aileen Abello ng 2-run homerun sa 4th innings nang igupo ng RTU-Mandaluyong ang Adamson U, 6-4 kahapon sa pagpapatuloy ng National Open Women’s Softball Championships sa Matimbo Elementary School ground dito.

Ang panalo ay ikalimang dikit ng RTU sa ganoon ding dami ng asignatura sa tournament na ito na nagsiguro sa Mandaluyong ng kanilang pag-usad sa page system finals kahit na matalo ang huling dalawang laro ng top finishers ay pasok pa rin sila sa finals.

Ang page system format ay ang paghaharap ng top two teams na ang mananalo ang siyang makakakuha ng bye, habang ang talunan naman ang siyang haharap naman sa mananalo sa pagitan ng team number 3 kontra sa team number 4 para sa karapatang harapin ang bye team para sa titulo.

Ang isang run na naitala ni Janebeb sa first inning ang nagbigay sa RTU ng maagang kalamangan sa 1-0, bago nakabawi ang Adamson U sa second inning nang kumana naman si Gedda Valencia ng double bago kinuha ang kalamangan sa pamamagitan ng throwing error ng second base-woman na si Yancy Fabula para sa panablang run.

Sa iba pang laro, di rin nakuhang ibawi ng Adamson ang kanilang unang kabiguan nang mabigo sa Rizal Province, 1-0 at makatabla sa ikalimang puwesto sa Bacolod City na mayroong 4-3 win-loss slate.

Naungusan ng Batangas U ang Rizal Province, 3-2 upang makisosyo sa ikalawang posisyon at binugbog naman ng University of the Philippines ang Bacolod City, 7-1.

Show comments