SA loob ng ilang taon, madalas magmakaawa si Erlinda kay Carlos para kilalanin nito at sustentuhan ang anak nilang si Junior. Pero paulit-ulit siyang tinatanggihan ng lalaki at hindi pinapansin. Bilang ina at guardian ni Junior, napilitan si Erlinda na magsampa ng kaso laban kay Carlos para kilalanin nito ang bata at mabigyan ng sustento. Hindi nagtagal, dahil hindi iniintindi ni Carlos ang kaso, nagkaroon ng desisyon ang korte pabor kina Erlinda, kinilala ang bata bilang anak sa labas ni Carlos at binigyan ng karapatan na humingi ng sustento mula noong ipinanganak.
Sinubukan ni Carlos na umapela sa desisyon ng korte pero hindi niya talaga sineryoso ang responsibilidad niya sa bata dahil pinipilit nga niyang itago sa kanyang tunay na pamilya ang tungkol sa pagkakaroon niya ng anak sa labas. Hindi umabot sa takdang oras ang ginawa niyang apela kaya naibasura lang ito ng korte. Kung anu-anong palusot ang ginawa ni Carlos para matakasan ang responsibilidad niya sa bata at iwasan ang implementasyon ng desisyon na naging pinal na. Nauwi rin sa wala ang lahat ng kanyang ginawa kaya bandang huli, napilitan na siyang mangumpisal sa kanyang tunay na pamilya. Nasindak ang tunay na asawa at mga anak sa ginawang pag-amin ni Carlos na nagkaroon siya ng relasyon sa ibang babae at may isang anak sa labas. Sila ngayon ang sama-samang kumilos at nagsampa ng kaso upang magpetisyon sa korte na ipawalambisa ang unang desisyon na kumikilala sa anak ni Carlos sa labas at nagbibigay ng direktiba na sustentuhan niya ang bata hanggang sa paglaki nito. Argumento ng pamilya ni Carlos, bilang mga tagapagmana ng ama, dapat ay kasali sila sa kaso ng pagkilala sa bata at paghingi nito ng sustento. Dapat din daw ay ipinaalam sa kanila ng korte ang tungkol sa kaso. Tama ba sila?
MALI. Walang silbi at mababaw ang argument ng mag-iina ni Carlos na dapat silang isali sa kasong isinampa ng anak sa labas upang kila-lanin ng kanilang ama ang bata. Una sa lahat, sa kaso ng tinatawag na “compulsory recognition” o sapilitang pagkilala sa pagiging anak ng bata, ang nasa pinaka-magandang posisyon para kontrahin at kuwestiyunin ito ay ang mismong ama ng bata. Pangalawa, sa ilalim ng batas (Civil Code), ang patakaran ay ang mismong magulang ang kakasuhan sa ganitong kaso ng compulsory recognition. Kung sakali at namatay ang ama habang menor de edad pa ang bata o kaya pagkatapos mamatay ng ama o magulang ay may lumabas na dokumento kung saan kusang-loob niyang kinikilala ang bata ay saka pa lang idadamay sa asunto ang kanyang tunay na asawa’t mga anak bilang legal na mga tagapagmana. Lahat ng sirkumstansiyang nabanggit ay wala sa kasong ito kaya dapat si Carlos lang at hindi ang kanyang mga tagapagmana ang madamay sa kaso (Hernaez Jr. v. Intermediate Appellate Court, 208 SCRA 449).