MERON pong nagtanong sa akin na bakit 40 araw ang sinasabi nating Kuwaresma na simula noong Miyerkoles ng Abo hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon gayong ayon sa kanyang pagbilang ay 44 na araw. Tama ang kanyang bilang subalit hindi niya alam o kaya’y hindi niya narinig ang paliwanag sa kanyang simbahan na hindi isinasama sa bilang ang araw ng Linggo na pawang papuri at pasasalamat sa Diyos. Ang Kuwaresma ay pawang panahon ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Panginoon.
Ngayon, ika-5 linggo ng Kuwaresma ay ipinahayag ng Panginoon sa mga pagbasa sa Lumang Tipan na gagawa Siya ng bagong pakikipagtipan at hindi Niya gugunitain ang mga kasalanan pana’y tuwirang pagbibigay ng kapatawaran. “Diyos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin”. Ipinahayag din sa aklat ng Hebreo na si Hesus ay namumuhay dito sa lupa na dumadalangin at lumuhang sumasamo sa Diyos na makapagliligtas sa Kanya sa kamatayan. Ang tunay na kahulugan ng Kanyang pagsunod ay upang Siya ay maging walang hanggang tagapagligtas sa tanang sumusunod sa Kanya.
Sa ebanghelyo naman ay sinabi Niya: “Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa, nguni’t kung mamatay ito’y mamumunga ng marami”. Tuwing mababasa ko ito ay palagi kong naalaala ang gardening project noong ako ay Grade IV. Araw ng Biyernes noon ng aking itanim sa plot ang ilang butil ng bawang. Kina-Lunesan ay pumunta kaagad ako sa aking plot at nakita kong nabiyak ang ilang butil ng bawang. Laking lungkot ko nang sabihin ko sa aking titser, si Sr. Maria Angustia FMM na nabiyak ang aking butil ng bawang. Natuwa siya. Nagtaka ako. Sinabi niya na dapat mamatay ang aking itinanim na butil upang magkaroon ito ng bagong buhay o tumubo na ang aking bagong halaman na bawang.
Dito ko napag-ugnay ang sabi ni Hesus: “Ang labis na pagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit kung napupoot sa kanya ang daigdig na ito ay magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan”. Ang lahat pala ng butil na itinanim ay dapat munang mamatay para magkaroon ng panibagong halaman. Hindi minahalaga ni Hesus ang Kanyang buhay, manapa’y inialay Niya ito sa Ama sa pagpapatawad sa ating mga nagawang kasalanan.
* * *
Jeremias 31:31-34; Salmo 50; Hebreo 5:7-9 at Jn 12:20-33