Talikdan ang kasalanan

NOONG nakaraang Miyerkoles ay araw ng Abo, ang unang araw sa panahon ng Kuwaresma. Kaya sa pagpapalagay ng abo sa ating noo ay muling ipinaalaala sa atin na: “Remember, you are dust, and to dust you will return or turn away from sin and be faithful to the gospel” Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin ang iyong babalikan. Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya.

Ang salitang kuwaresma ay galing sa salitang Latin na quatuor o sa Kastila ay cuatro ibig sabihin apat. Dito nabuo ang 40 araw ng ating pagsisisi, pagbabagong-buhay at paghahanda sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Hindi natin aawitin ang Alleluia sa araw-araw na pagdiriwang sa Banal na Misa. Mabiyaya at mahalaga sa ating mga Kristiyano ang 40 araw. Paalaala ito sa ating pakikipagtipan sa Panginoon, hindi na Niya lilipulin ang lahat ng may buhay sa baha na gumunaw sa daigdig. Ang tanda ng pagtitipang ito ng Panginoon ay ang pagkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari. Naganap ito matapos ang 40 araw ng baha sa panahon ni Noe.

Ito din ang apatnapung araw ng pag-aayuno, pagtitiis at paglaban ni Hesus sa tukso. “Pinapunta Siya ng Espiritu sa ilang. Nanatili Siya roon ng 40 araw, na tinukso ni Satanas. Maiilap na hayop ang naroon ngunit si Hesus ay pinaglingkuran ng mga anghel. Ang apatnapung araw din ang pagbaba ng Espiritu Santo matapos ang pagpapahayag ni Hesus sa mga alagad noong araw ng Kanyang pag-akyat sa langit at kaharian ng Kanyang Ama. Kaya’t ang 40 araw ay naging mahalagang araw para sa ating mga Kristiyano. Maging sa ating pagluluksa sa mga namatay ay ating inaalaala sila sa ika-40 araw at patuloy natin silang ipinagdarasal upang patawarin sa lahat nang nagawang kasalanan.

Maging si Pedro ay nagpagunita sa atin na si Hesus ay namatay para sa atin dahil sa ating kasalanan upang maiharap tayo sa Diyos. Namatay Siya ayon sa laman at muli Siyang nabu-hay ayon sa Espiritu Santo. Kaya mga kapatid muli tayong magnilay, isaisip at isapuso ang ating mga nagawang kasalanan. Patuloy tayong magsisi at magbalik-loob tayo sa Diyos na kailanman ay hindi tayo pinabayaan. 

Gen 9:8-15; Salmo 24; 1Pedro 3:18-22 at Mk 1:12-15

Show comments