Maligaya at mapayapang Pasko sa lahat!

DUMATING na ang sugo ng Maykapal upang ipahayag ang magandang balita ng kapayapaan. Makikita ng sanlibutan ang pagliligtas ng Diyos nating mahal. “Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas”.

Kaya sa pagsilang ni Hesus sa sabsaban ng Belen ay nagpakita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Sa ating unang damdamin sa pagsilang sa Belen ay para bang kaawa-awa ang sinapit nina Maria at Jose na wala silang matuluyan noong gabing yaon sa mga sandali na panganganak ni Maria. Walang nagpatuloy sa kanila, kaya’t ang napuntahan nila ay sa ilang ng bukid at sa isang sabsaban ng mga tupa ay doon nagluwal si Maria. Ang ipinanganak ay ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya itinalaga ng Diyos Ama na ang Kanyang Anak ay isilang sa daigdig na Kanyang nilikha. Ang sandaigdigan ang Kanyang tahanan. Tinanglawan Siya ng mga bituin sa kalangitan.

Nag-aawitan ang mga anghel: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya”. Ang anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayon din ang Anak. Ang pagdiriwang nang sansinukob sa kaarawan ng pagsilang ng ating mananakop ay buong pusong pasasalamat natin sa Ama. Kung reregaluhan natin Siya ng ating lubusang pagsisisi sa ating mga kasalanan ay lubusang masaya ang Kaarawan ni Hesus. “Gloria in excelsis Deo”. Tayo’y magbabalik-loob sa Ama sa langit.

Naalaala ko tuloy ang sabi ni Inay na ang aming mabuting regalo sa kaarawan ni Tatay ay ang aming pagpapakabait. Ibinahagi sa atin ni Hesus ang Kanyang kaarawan, kaya tayo ang nagbibigayan ng regalo. Alam naman natin ang hinihingi Niyang regalo sa atin ay ating pagsisisi. Ang ating pagbabalik-loob sa Ama ay pagtanggap natin sa Kanyang Salita naging tao at Siya’y patuloy na maninirahan sa ating piling. “Sa simula pa’y ang Salita at ang Salita ay Diyos … sa pamamagitan Niya nilikha ang lahat ng bagay”.

Magiging maligayang-maligaya si Hesus sa Kanyang kaarawan kung ta-yong lahat ay mag-aalay sa Kanya ng ating pagsisisi. Kapag ginawa natin ito ay magiging ganap ang ating pagbabatian ng Maligaya at Mapayapang Pasko po sa ating lahat!

Isaias 52:7-10; Salmo 97; Hebreo 1:1-6 at Jn 1:1-18

Show comments