Labingsiyam

Labingsiyam na sundalo naman ngayon. Labinsiyam ang sundalong namatay sa enkwentro sa Basilan. Ang sabi ng AFP, nga ASG ang nakalaban. Ang sabi naman ng MILF, nasa loob na ng kampo ng MILF ang mga sundalo kaya nakipagbarilan. Natural, nagtuturuan na ang dalawang panig kung sino ang may kasalanan sa nangyaring sagupaan. May mga hindi nasundang mga patakaran daw ang AFP, ayon sa MILF. May hinahanap at huhulihin sanang ASG ang mga sundalo. Isang kriminal na tumakas. Dapat pinaalam daw sa MILF ang kilos ng mga sundalo, para hindi magkaproblema.

Doon naman ako may problema. Kasalukuyang may peace talks na naga-ganap. Kaya bakit napakahangdang mamaril pa rin ng MILF? At bakit ba kailangang magpaalam ng mga sundalo ng gobyerno, sa mga rebelde ng bansa? Malinaw na bang pag-aari ng mga MILF ang mga lupain sa Basilan? Hindi naman sa namimilosopo, pero Pilipinas pa naman ang Basilan, di ba?

Sabihin na nating may kasunduan o patakaran na dapat sundan. Kung sakaling may paglalabag, barilan na ba kaagad ang nararapat na aksyon? Ano ba naman yung mag-usap yung mga pinuno ng mga grupo at ayusin ang gusot, kung meron man! Pero ang gusto lang naman yata ng MILF ay mamaril ng sundalo, lalo na kung lamang na lamang sila!

Labinsiyam na sundalo ang nagbayad ng buhay nila, dahil lamang sa makakating gatilyo ng rebelde. May usapang kapayapaan ngayon. Dahil sa nangyaring enkwentro, ano na ang saysay ng usapang iyan? Anong magagawa ng turuan, sisihan, at kung sa sakali mang may umamin ng pagkakamali, may magagawa ba iyon sa buhay ng labinsiyam na sundalo? Paulit-ulit na lang nangyayari ito sa Basilan. Lagi na lang may dahilan ang MILF para makipag sagupaan sa gobyerno, ceasefire man o wala. Kung hindi sila, Abu Sayyaf naman na sa tingin ko wala namang pinagkaiba talaga. Papatayin o pupugutan ng ulo ang mga sundalo, tapos ibibigay sa MILF. Eh di magkasangga pa rin, di ba?

Ilang beses pa mauulit ang ganitong klaseng balita? Ipagdasal na lang natin na magkaroon na ng patutunguhan ang usapang pangkapayapaan. Kundi, siguradong may magsasagupaan na naman. Sawa na ang mamamayan sa mga banderang lumilipad ng kalahati.

Show comments