NAKALULUNOS ang transport industry! Sa tuwing may hinaing sa pamahalaan na ’di natutugunan ay lagi na lang nagbabanta ng welga. Pero ang ginagawa namang tigil-pasada ay walang kamandag.
Sa harap ng walang patumanggang pagtataas sa presyo ng petrolyo, nagbabanta na naman na magtitigil-pasada. Pero may kontra-babala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Aalisan ng prangkisa ang sinumang sasali sa welga. Maaaring ang babalang ito ay magpabahag sa buntot ng ilang operators kaya kaunti ang lalahok sa protesta.
Ayon kay Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB hanggang anim na buwang suspension ang kakaharapin ng prangkisa ng mga operators na lalahok sa welga. Nangyari na ang ganyang kanselasyon ng prangkisa noon.
Wala ako sa transport sector pero motorista ako na apektado rin sa walang habas na pagtataas sa presyo ng petrolyo. Dahil dito’y may simpatiya ako sa binabalak na transport holiday. Pero kung marami ang matatakot sa bantang kanselasyon ng prangkisa, talagang parang sumusuntok sila sa buwan. Anang pamahalaan, sadyang walang magagawa ito sa galaw ng presyo ng krudo sa world market.
Ngunit nakapagtataka lang na pinakamataas ang presyo ng petrolyo sa ating bansa sa Asia. Noong araw, maipagmamalaki na mura ang halaga ng petrolyo sa Pilipinas.
Politically sensitive issue ang petrolyo. Kapag tumataas ang halaga nito, nagsusunuran ang presyo ng ibang paninda at ang malubhang apektado ay ang mahihirap na mamamayan. Ang komplikasyon nito ay reflected din sa halaga ng elektrisidad na hindi naman dapat sumobra ang pagtataas ng power rates kundi dahil sa pagkalugi ng mga kompanya sa kuryente na binabawi sa consumers. Isang rason iyan kung bakit nangingilag ang mga foreign investors na magnegosyo sa bansa. Alam naman natin na kailangan natin ang dayuhang pamumuhunan para lumakas ang ekonomiya.
Bakit nga kaya ganyan? Habang ang tao’y nagtitiis sa kakatiting na sahod, mataas ang presyo ng bilihin at iyan ay dahil sa sobrang halaga ng transportasyon at elektrisidad.