MULA nang ipag-utos ni President Aquino sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26, 2010, na wala nang magwawangwang sa kalsada, natupad agad iyon. Hanggang ngayon, wala nang nagwawangwang para makalu-sot sa trapik. Wala nang naghahari-harian sa kalsada. Wala nang mga “anak ng diyos”.
Pero makaraan ang pag-alis sa mga wangwang sa kalsada, tila wala nang kasunod ang mga iyon. At marami ang nagsabi na ang pag-alis lamang sa wangwang ang kayang gawin ni P-Noy. Paano’y marami pa raw ang nagugutom, marami pa rin daw ang walang trabaho at higit sa lahat, marami pa rin daw ang nangungurakot sa mga ahensiya ng pamahalaan. Marami pa rin daw ang nagpapasasa sa pera ng taumbayan.
Pero sa SONA kahapon ni P-Noy, sinabi niyang hindi lamang ang mga nagwawangwang sa kalsada ang aalisin. Pati na rin daw ang mga nagwawangwang sa sistema o ang mga kurakot. Lubusan na ang paglaban sa katiwalian at sa pagbaka sa katiwalian, tatamasahin na ang magandang bunga. Sabi ni P-Noy: Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating kinaka-ligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.
Marami ang umaasa sa mga sinabi ni P-Noy sa kanyang ikalawang SONA lalo na ang may kaugnayan sa pagputol sa katiwalian. Ganap nang mapapanatag ang kalooban ng mamamayan kapag ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan ay mapaparusahan. Maraming matutuwa kung ibibilanggo ang mga nagpapasasa sa pera ng taumbayan.
Ngayong inihayag na niya na ang bagong Ombudsman ay si retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, susubaybayan ng mamamayan kung may pangil na nga laban sa mga tiwali. Makikita kung ano ang pagkakaiba ng gobyerno ni P-Noy sa pinalitan niyang Arroyo administration. Dapat matupad ang sinabi ukol sa mga nagwawangwang sa pamahalaan.