ANG Bureau of Customs ay may Task Force na kung tawagin ay RATS (Run After Smugglers).
Palagay ko, ang namumuno rito na si Gregorio Chavez ay natutuliro na at masakit ang ulo dahil sa talamak na oil smuggling. Oil smuggling na nagaganap mismo sa North Harbor.
Naaktuhan daw ng mga operatiba ng RATS ang smuggling ng P60 milyon halaga ng bunker oil na manipulado ng dalawang barko na nagsasalinan ng epektos na langis.
Walang kaukulang papeles ang mga barkong M/T Chelsea na nagsasalin ng langis sa M/T China Venture. Ibig sabihin, walang binabayarang buwis sa operasyong ito.
Ayon sa batas, ang langis na ikinakarga sa domestic na barko ay kailangang magbayad ng buwis maliban na lang kung ito ay nagkakarga sa barkong internasyunal. Ngunit ang dalawang sangkot na barko ay parehong lokal.
Nakapagtataka na di binanggit sa mga naglabasang balita ang pangalan ng local na kompanya na bumili ng langis sa Petron. Tuso ang sistema ng oil smugglers. Gumagamit ito ng shipping company na sister company pala. Nakuhang gapangin sa Bureau of Customs ang bunkering permit. Ang palusot nila ay ibebenta raw sa foreign market ang bunker oil. Pagkatapos ng transak-syon, kinontrata ng kompanya ang dalawang nabanggit na barko para sa tusong operasyon. Buti na lang agad silang natiklo ng RATS.
Matapos ang masusing imbestigasyon, natuklasan na hindi naman sa foreign market ibebenta ang bunker oil kundi dito lang. At komo walang binayarang buwis, kayang-kayang ibenta ang produkto ng mas mababa ang presyo. Grabe. Marami pala ang nakapagpapalusot sa pamahalaan sa ganitong lisyang sistema.
Ewan ko lang kung sinampahan ng BoC ng ka rampatang kaso ang kompanyang ito para matuldukan ang pandarayang ito. Minsan nang nag-press release ang BoC tungkol sa mga “palabas” na hulihan. Kasi pala, lalong tumataas ang “tong” sa ilang tiwaling Customs men kapag nakipag-areglo ang mga smugglers. Huwag na sanang palusutin ang ganitong katiwalian ni Commissioner Lito Alvares at ng mga bumubuo ng RATS.