MATAGAL nang nasa kalye ang mga namamalimos na mga bata, tinedyer at matanda. Yung mga bata at tinedyer ay may mga dalang tambol na gawa sa lata. Pagtigil ng dyipni, aakyat ang marusing na tinedyer at bata. Ang bata ay may dalang sobre at ipamumudmod sa mga pasahero habang ang tin-edyer ay nasa istribo at walang tigil sa pagdrum at paghimig na wala namang kawawaan.
Ang mga namamalimos na mga bata, tin-edyer at matanda ay kabilang sa tribung Badjao. Nagkalat sila sa maraming lugar sa Metro Manila. Para bang ibinagsak sila ng kumpul-kumpol at may nag-utos na mamalimos. Sa Quezon City, makikita ang maraming Badjao sa Novaliches at sa Mindanao Avenue malapit sa Trinoma at Veterans Hospital. Ang mga batang Badjao ay walang takot na umuukyabit sa dyipni. Sa Novaliches, mas maraming matandang babaing Badjao ang nagpapalimos at kadalasang may kasamang bata. Pakublit-kublit ang mga ito sa mga nakakasalubong. Pumapasok kahit sa mga restoran at kukublitin ang mga kumakain.
Sa Maynila, maraming Badjao sa kanto ng Maceda at Antipolo Sts. Mas matitindi ang mga bata at tinedyer na umuukyabit sa dyipni sapagkat sila pa ang galit kapag hindi nabigyan ng limos. Sa riles ng tren sa Antipolo St. sila nakatira at doon na rin dumudumi. Nagkakalat sila ng basura sa lugar na kanilang hinihimpilan.
Marami pang lugar sa Metro Manila ang inaatake ng mga Badjao at hindi lamang ngayong Pasko sila narito kundi buong panahon na. Ginagawa na nilang “career” ang pamamalimos. Matagal na silang pagala-gala, pakalat-kalat at pasampa-sampa sa mga dyipni. Inilalagay sa panganib ang mga drayber ng dyipni sakali at masagasaan niya ang mga namamalimos.
Matagal nang gumagala ang mga Badjao pero ngayon lamang kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Huhulihin na ang mga namamalimos o nangangaroling sa kalye. Ang tema ng kampanya ng DSWD ay “Paskong Ligtas sa Batang Kalye”. Mabuti naman at natauhan ang DSWD at wawalisin na nila sa kalye ang mga namamalimos. Huwag na silang hayaang makabalik pa sa kalye. Ibalik sila sa pinanggalingang lugar at bigyan ng tulong para hindi na mamalimos.