Natasha (Handog sa pamilya Goulbourn)

Sa Lifestyle Section ng Philippine STAR

Ay aming nabasa malungkot na buhay –

Ng butihing anak na biglang nawalay

Dinala ng Diyos sa kaitaasan!

Kinapos sa anghel ang Diyos sa langit

Kaya si Natasha dalagang mabait --

Ay Kanyang kinuhang bigla sa daigdig

Nag-iwan ng sugat na lubhang masakit!

Kay gandang diwata ang nasa larawan

Kaya puso nami’y sinakmal ng lumbay;

pumasok sa diwa ang panghihinayang

Sapagka’t ang anak ay biglang naparam!

Sinulat ng ina ay napakalungkot

Dahil sa ang hapis sa puso’y sumaklot

At pati na kami sa malayong pook

Ay nakaramdan din ng paghihimutok!

Maganda’t mabait anak na nawalay

Na sa ama’t ina’y lubhang napamahal;

Pati ang kapatid na biglang naiwan

Nag-iisa ngayon kapag nalulumbay!

Ikaw Jean at kami at ang iyong mister

Malayo ang agwat pero magkapatid;

Kaya sa dusa n’yo kami’y nahahapis

Sapagka’t naglaho’y bituing marikit!

Kung si Tasha ngayon ay buhay pa

Ang magandang buhay tiyak nasa kanya;

‘di salat sa buhay ang kanyang pamilya

Maligaya siya saan man mapunta!

Pahirin ang luha – tibayan ang dibdib

Umalis man siya siya’y nasa langit;

Siya’y isang anghel na sa bawa’t saglit

Ay kasama n’yo rin saan man sumapit!

Karamay n’yo kami sa inyong pagluha

At ang tulang ito ay isang kandila –

Bawa’t tulo nito ay taghoy ng diwa –

Na alay kay Tasha na awit at tula!

Show comments