Ang isyu ng torture

AKO at ang aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay naalarma sa isyu ng torture. Nakapangingilabot ang video ng pag-torture umano ng pulis sa isang lalaking suspek sa pangho­holdap. Isinagawa pa umano ang hindi makataong pagpapahirap sa loob mismo ng presinto sa Tondo, Maynila.

Kahit suspek ang lalaki, nakakuha ito nang malaking simpatiya sa publiko hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa na kumokondena sa torture at iba pang police brutality.

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), dahil sa paglabas ng video, maraming iba pa na nakaranas ng pagmamaltrato sa ilang pulis ang lumantad at nagha­hayag ng detalye ng kanila ring sinapit na karanasan. Masakit mang aminin, pero talagang maraming beses nang naakusahan ang ilang pulis sa isyu ng pag-torture.

Si Jinggoy ay isa sa mga nag-akda ng Anti-Torture Act. Siya ang nag-akda ng Senate Bill Number 7 na pinamagatang “An act penalizing the commission of acts of torture and involuntary disappearance of persons arrested, detained or under custodial investigation.” Ang panukala ni Jinggoy ay na-consolidate sa iba pang katulad na panukala at naging ganap na batas noong Nobyembre 2009 sa ilalim ng Republic Act 9745 (Anti Torture Act).

Kaugnay nito ay nanawagan si Jinggoy sa mga awtoridad na sundin at isabuhay ang naturang batas laluna’t ito ay nagbibigay ng ngipin sa nakasaad mismo sa probisyon ng ating Konstitusyon hinggil sa Bill of Rights.

Sana ang usapin ay magsilbing panggising hindi lang sa kapulisan at pamahalaan kundi sa lahat ng mama­mayan hinggil sa paggalang sa karapatang-pantao.

Show comments