EDITORYAL- Maraming umaasam na tutuparin ang pangako

TATLO sa 10 Pinoy ang umaasa na magbabago ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan. Ito ay batay sa Social Weather Stations (SWS) survey na ginawa noong March 19-22 o dalawang buwan bago magkaroon ng national elections. Nasa 35 percent ng 50 milyong botante ang positibo ang pananaw na magkakaroon ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Siyam na porsiyento lamang ang nagpahayag na wala silang nakikitang pagbabago.

Maaaring ang pagpapalit ng liderato sa gobyerno ang dahilan kung kaya biglang lumaki ang porsiyento ng mga taong umaasam na mahahango ang kanilang buhay sa lusak ng kahirapan. Para sa kanila ang bagong gobyerno ay kasingkahulugan din ng bagong pag-asa. Ang pagkapanalo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente at Jejomar Binay bilang bise presidente ay nagpalaki sa pag-asa ng mga Pilipino na gaganda pa ang kanilang buhay.

Maraming umaasa na sa pamumuno ni Noynoy at Binay ay mapuputol na ang kanilang nararanasang gutom. Pangako ni Noynoy na lulupigin ang mga corrupt sapagkat aniya, kung walang corrupt walang mahirap. Ang mga sinabi niyang ito ay tumatak sa isipan ng nakararami at ito ang nagdala sa kanya para manalo.

Marami rin naman ang naniniwala kay Binay na gaganda ang kanilang buhay. Malinaw sa kanyang campaign jingle na magkakaroon nang magandang buhay ang mga mahihirap. Siyempre, wala nang magugutom at magpapalimos sa kalye. Magkakaroon na ng pirmihang trabaho at kapag may trabaho, mababawasan na rin ang krimen.

Masyadong malaki ang ini-expect ng mamamayan kina Noynoy at Binay. Ang katuparan ng kanilang mga ipinangako ang nagpapapalakas ng kanilang loob ng mga mahihirap. Ngayon na ang simula ng mga ipinangako at hindi dapat mabigo ang taumbayan. Ipagkaloob ang kanilang minimithi.

Show comments