MUKHANG hindi nagkamali ang mga taga District 1 ng Quezon City kay Vivienne Tan para kumatawan sa kanila sa Kongreso. Nais kasi ng mga taga District 1 na mabago naman ang takbo ng kanilang pamumuhay at ang kasagutan nga ay si Tan. Kung sabagay tama sila dahil likas na matulungin sa mga mahihirap si Tan bukod sa angking kasipagan pagdating sa trabaho.
Bukod pala sa tambalan nina Herbert “Bistik” Bautista at Joy Belmonte na maaasahan sa lahat ng oras magkakaroon pa sila ng karagdagang kakampi para mapaunlad ang kanilang lugar. Subok na kasi ng ilang mamamayan ang kabutihang loob ni Tan na noong humupa ang bagyong Ondoy, hindi nagpatumpik-tumpik si Tan sa pagtulong sa mga sinalanta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan. Hindi naging hadlang kay Tan ang antas niya sa buhay matapos na lumusong sa marumi’t mabahong tubig-baha upang iabot ang tulong sa mga biktima. Hindi rin naging hadlang ang pagod at puyat para marating ni Tan ang Tarlac at Cordillera para mamudmod ng relief goods. Ganyan ka seryoso si Tan sa paglingap sa mga nangangailangan na nararapat sa District 1. Kaya’t hindi kataka-taka na mula sa iba’t ibang sektor, samahan at organisasyon sa Distrito 1 ng Quezon City ang nagpahayag ng suporta para kay Tan laban sa kasalukuyang congressman na si Vincent “Bingbong” Crisologo.
Kasabay nito sa inaning tagumpay ni Tan sa pagdepensa sa inihaing petisyon ni Crisologo sa Comelec upang idiskuwalipika ang kandidatura at maging sa Regional Trial Court sa pagkuwestiyon sa kanyang citizenship at kawalang karapatang bumoto bilang mamamayang Pilipino. Itinuring ni Tan na isang malaking tagumpay ito laban sa kanyang katunggali na may dalawang termino na sa pagkakongresista.
Isinisigaw ng supporters ni Tan ang pagbabago sa kanilang lugar partikular na sa larangan ng edukasyon, paninirahan, pangkabuhayan, panlipunang serbisyo, pakikilahok ng mga maraming mamamayan. Kabilang sa iba’t ibang samahan, organisasyon, sektor sa District 1 na sumusuporta kay Tan ay ang Alyansa ng Maralita na mayroong inisyal na miyembro na 78 sa local na samahan galing sa iba’t ibang barangay; Metro Manila Vendors Alliance na may 500 miyembro; Pagkakaisa ng manggagawa sa Transportasyon (TODA), jeepney drivers at pedicab drivers; Womens Sector na may 1,000 miyembro; Vendors Forum ng D1, isang bagong organisado, board formations galing sa iba’t ibang barangay; Youth Sector ng D1 galing sa iba’t ibang barangay; Gays and Lesbian Group ng D1; Business Sectors ng D1; Uring Manggagawa gaya ng Bukluran ng Manggagawa Pilipino at Super Federation; Sanlakas National, Professionals; Friends of Vivienne at Tita Flor; Kilusan para sa Pagbabago sa Distrito Uno.
Isinisigaw ng supporters ni Tan ang pagbabago sa pamamalakad sa kanilang distrito. Nagsasawa na anila ang mga taga-District 1 sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Crisologo dahil sa kawalang pagbabago at halos panggagasta lamang ng pondo. Si Tan mula sa pribadong sektor at tumatakbong independent ay inaaming kahit natatakot siya kay Crisologo ay ipinagmamalaking mananaig ang kagustuhan ng taga-District 1 para sa pagbabago ng kanilang buhay.
Mula sa pribadong sektor si Tan na anak ng negosyanteng si Lucio Tan subalit ang puso at adhikain nitong makatulong at magkaroon ng pagbabago sa kanilang lugar ay lakas-loob nitong haharapin lalo na’t suportado ng mga residente ng unang distrito ng QC.