Kailan magwawakas ang mga pighati
Nitong sambayanang binaha’t nasawi?
Ang luha sa mata’y hindi napapawi
Nang maraming inang sadlak sa pighati?
Kailan matutuyo ang luha sa mata
Ng mga nawalan ng anak at ama?
Bakit ba sa daming sa mundo ay bansa
Sintang Pilipinas dinatnan ng baha?
Ang baha’y nagdulot ng dusa at lungkot
Sa mayama’t dukha sa ating sinukob;
Tahanang mababa tahanang matayog
Pinasok ng bahang putik ang kasunod!
Milyong mamamayan nawalan ng bahay
Libong tao naman nawalan ng buhay’
Ito ba ay ngitngit ng Poong Maykapal –
o sumpa nga langit at ng kalikasan?
Sa dyaryo at TV sa araw at gabi
Ibinabalita bilang ng nasawi;
Mga batang musmos hindi rin natangi
At sila’y nadamay na nangapalungi!
Tunay na masaklap sinapit ng tao
Sa nangyaring baha na dulot ng bagyo;
Tuwing nakikita nasabing delubyo
Kahi’t na naligtas – naiiyak tayo!
Sino’ng di iiyak sino’ng di luluha
Sa kapahamakang sinapit ng bansa?
Tahimik na buhay ng mayama’t dukha
Dinatnan ng sigwang delubyo na yata!
Ang delubyong ito’y mas matindi ngayon
Kaysa sa pagbaha ng unang panahon;
Dahil sa bata pa ang daigdig noon
Kaya ang parusa’y di lubhang naugong!
Inang kalikasa’t Amang nasa langit
Nagsanib ng lakas panaho’y nagsungit –
Baha at landslide sa bansa’y sumapit
Maraming nasawi’t tahanang nawalis!
Tulung-tulong ngayon maraming ahens’ya
upang mapagaan ang hirap ng bansa;
Pagtulong na ito sana ay dakila
Walang nag-iimbot sa victim ng baha!