SILA ang masasabing mga “buwaya sa katihan”. Sila yung mga negosyanteng walang awa sa kapwa at patuloy na nagsasamantala sa panahon ng kalamidad. Sila yung, ang sarili lamang ang gus tong mabuhay at magkamal ng pera. Sila ang mga negosyanteng masahol pa ang katakawan sa “buwaya”.
Noong Miyerkules, inihayag ng Department of Trade and Industry na 63 supermarkets ang nagtaas ng presyo ng mga produktong kasama sa price control. Ayon sa DTI, nasorpresa nila ang mga supermarket at stalls. Naaktuhan na ang mga tinitinging sardines, coffee, instant noodles at detergent soap ay ibinibenta nang sobra sa itinakdang price ceiling. Sa isang malaking supermarket, ang Ligo sardines ay ipinagbibili sa halagang P11.60 bawat isa gayung sa mandated price ito ay dapat P11.25 lang. Ang 25 gram ng Blend 45 instant coffee ay may presyong P16.35 gayung ito ay P14.60 lamang. Mas matindi naman taas ng presyo ng Bear brand milk na ang presyo ay P71 gayung ito ay P49.75 lang dapat sa presyong itinakda ng DTI.
Sobra ang pananamantala ng mga malalaking supermarket na para bang wala nang awa lalo sa mga sinalanta ni Ondoy. Kahit na nag-utos na ang DTI na huwag magtataas sa mga pangunahing produk-to, sinusuway pa rin. At ang sabi ng DTI, mas maraming malalaking tindahan ang lumalabag kaysa sa mga maliliit. Tinalo pa umano ng mga maliliit ang mga higanteng tindahan sapagkat agarang sumusunod sa mandated price ng mga produkto.
Hindi dapat palampasin ng gobyerno ang ginagawang paglabag ng mga “buwayang” negosyante. Ipagkaloob sa mga “buwayang” ito ang nararapat na parusa. Kumilos naman agad ang Department of Justice makaraang ireport ng DTI at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga supermarket na nahuling nagtataas ng presyo. Ayon kay DOJ secretary Agnes Devanadera, iimbitahan na ng NBI ang mga opisyales nang malalaking supermarkets na nahuling nagtataas ng produkto.
Maraming nasalanta nang humagupit si Ondoy at Pepeng, huwag hayaan na ang mga “buwayang” negosyante naman ang humagupit sa mga kawawang biktima ng baha. Bantayan at hagupitin pa ang mga “buwaya”.