MAG-IISANG buwan na mula nang makabalik sa bansa si dating police officer Cesar Mancao, pero hanggang ngayon ay wala pang nakikitang liwanag sa pagpatay sa PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito. Bumalik sa bansa si Mancao noong Hunyo 4 makaraan ang siyam na taong pananatili sa America. Isinasangkot siya sa pagpatay kay Dacer at Corbito noong Nobyembre 2000. Bukod kay Mancao, sangkot din sa pagpatay sina dating police officers Michael Ray Aquino at Glenn Dumlao. Umano, nakatakda na ring dumating sa bansa si Dumlao, pero wala pa rin itong kaseguruhan. Si Aquino ay kasalukuyan namang nakakulong sa US jail dahil sa espionage. Mahabang taon ang bubunuin niya bago makalaya. Ang tatlo ay mga dating miyembro ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na ang hepe ay si Panfilo Lacson, ngayon ay senador.
Akala nang marami, kapag nakarating na si Mancao ay agad nang uusad ang kaso sa pag-patay kina Dacer at Corbito pero malaking pagkadismaya dahil wala pa ngang nakikitang liwanag. Kamakalawa ay naghain ng “not guilty” si Mancao sa Manila Regional Trial Court. Sinabi ng abogado ni Mancao na “not guilty” ang hinain ng kanyang kliyente dahil wala naman talaga itong kasalanan. Inosente umano si Mancao sa kasong kinasasangkutan.
Nang araw ding iyon ay pormal nang inilagay si Mancao bilang state witness sa double murder case. Ayon kay Justice secretary Agnes Devanadera, inilagay na nila sa Witness Protection Program si Mancao dahil nakapasa ito sa criteria at isa pa’y marami na ang nagtatangka sa buhay nito. Kasalukuyang nasa pangangalaga ng National Bureau of Investigation ang dating police officer.
Maraming nag-aabang sa karumal-dumal na ka song ito kaya naman dapat nang malantad ang mga nasa likod ng pagpatay.
Ngayong nasa bansa na si Mancao, magkaroon sana ng katotohanan na uusad nang mabilis ang kaso nina Dacer at Corbito.