Base sa s’yensiya’t mga kasulatan
Ang mundo ay bilog at ito ay tangan
Ng iisang Diyos mabait maalam
Diyos Ama ng lahat – makapangyarihan!
Ang hangin, ang tubig at mga pananim,
Ang isda, ang ibon, taong may damdamin
At ang mga hayop – maputit maitim
Gawa rin ng Ama nang Kanyang likhain!
Ang ating planeta’y katulad ng bola
Sa lahat ng oras ito’y hawak Niya;
Kungg itinatagilid – itinitihaya
Gumagalaw lahat na Kanyang ginawa!
Ang bagyo, ang bulkan, lindol at tsunami
Biglang dumarating – biglang nangyayari;
Dahil sa ang Ama nangangawit wari
Ang atingg planeta’y hindi mapakali!
Totoo marahil kaya umuulan
Ama’y lumuluha sa kaitaasan;
Kaya tayong lahat dapat paghandaan
Baha at landslide na kapahamakan!
May nagsabing Siya ang tunay na Anak
Nitong Diyos Amang marunong sa lahat;
Kanyang sinasabing delubyong naganap
Di na uulitin ng Amang matapat!
Pero nang panahon ni Jacob at Moses
Kasamaan noon ay lubhang maliit
Kung ikukumpara sa ating daigdig –
Na ang kasalanan ay abot sa langit!
Kaya mabait man itong Diyos Ama
Posibleng magalit at tayo’y isumpa;
Sapagka’t sa mundo’y wala ng dakila
Planetang daigdig itatapong bigla!
Sa dagat ng apoy mundo’y lulusawin
Lahat ng nilalang ay kasama na rin;
Kaya di na tubig panggunaw sa atin
Kundi sa apoy na’t kidlat na matalim!